KAKAIBANG kasaysayan ang nagawa ng isang pusang inampon matapos hirangin bilang kauna-unahang pusa na nagwagi ng Hero Dog award sa Los Angeles animal shelter kamakailan.
Binigyan ng parangal ang pusang si Tara matapos niyang depensahan ang kanyang anim-na taong-gulang na amo mula sa pagsalakay ng aso ng kanilang kapitbahay na isang chow-mix.
Naganap ang pag-atake habang nagbibisikleta si Jeremy Triantafilo sa driveway ng kanilang tahanan sa Bakersfield, nang biglang sugurin ng aso ng kanilang kapitbahay na si Scrappy at kinagat sa binti ang batang lalaki.
Agad sumaklolo si Tara at inihagis ang sarili sa galit na aso hanggang bumitaw sa pagkakagat sa binti ni Triantafilo saka hinabol ang aso bago bumalik sa tabi ng kanyang amo.
Nakunan ang insidente ng home CCTV system at nang i-upload sa social media ay naging viral sa daan-daan libong netizen.
Nakatanggap ito ng 650,000 hits sa YouTube na naging dahilan para hirangin si Tara na isang international celebrity kaya pinagkalooban siya ng rekognisyon sa kanyang katapangan ng Society for the Prevention of Cruelty to Animals Los Angeles, na nagpresinta ng ika-33 taunang award para sa pusa.
Talagang na-impress kami sa katapangan ni Tara at mabilis na pagsaklolo sa kanyang tagapag-alaga kaya nagdesisyon ang aming selection committee na ang isang pusa na ganito ka-spectacular ay kailangang kilalanin bilang National Hero Dog,” wika ng president ng society na si Madeline Bernstein.
At bilang espesyal na rekognisyon din sa nagawa ni Tara, inalis ang katagang ‘dog’ mula sa tropeo niya at sa pinalitan ito ng ‘cat’.
Ayon naman kay Triantafilo, may kondisyong autism at nangangailangan ng walong tahi sanhi ng sugat mula sa dog attack, si Tara ang kanyang ‘hero.’
Ayon sa ama ng batang na si Roger, laging magkasama ang kanyang anak at si Tara at talagang “very protective” ang pusa kay Jeremy.
Kinalap ni Tracy Cabrera