IPINAHAYAG ng executive director ng Asian Institute of Management (AIM) na mahigit 70 porsiyento ng mga halal na opisyal sa bansa ay kabilang sa mga dinastiya sa kabila ng porbisyon sa Article II Section 26 ng 1987 Constitution na nagsasabing “ginagarantiyahan ng Estado ang patas na access sa mga oportunidad para sa paglilingkod sa publiko, at ipinagbabawal ang mga dinastiyang politikal na nakabalangkas sa batas.”
Sa Tapatan sa Aristocrat media forum kahapon ng umaga, sinabi ni AIM policy center executive director Ronald Mendoza, base sa pag-aaral na isinagawa ng kanyang grupo, makikita umano ang pagkakaroon ng mga dinastiya sa Filipinas sa pinakamahihirap na lalawigan at mga lugar na lubhang malayo sa sentro ng pamahalaan sa Maynila.
Simula nang magbalik sa bansa, naatasan si Mendoza na kumalap ng datos ukol sa pagkakaroon ng mga pamilya ng politiko na umookupa sa mga halal na posisyon ang siyang may hawak ng pamahalaan at estruktura ng ekonomiya sa kani-kanilang nasasakupan.
“Sa 15 taon nakalipas, mayroon lamang mga tinaguriang ‘thin’ dynasties na ang mga nahalal na miyembro ay nakaupo sa pamamagitan ng succession ngunit ngayon ay naging ‘fat’ dynasties, tulad ng mga Ampatuan sa Maguindanao, mga Ecleo sa Dinagat at mga Dela Cruz sa Bulacan,” kanyang ipinunto.
“Nalaman din ng mga politiko na ang pagpapatakbo sa miyembro ng kanilang pamilya ay mas nakatitipid dahil sa name recall at iba pang bagay na may kinalaman sa consanguinity,” dagdag ni Mendoza.
Sumang-ayon din si Mendoza na ang usapin ng political dynasties ay isang bagay na may malaking impluwensiya sa nalalapit na eleksyon sa 2016 dahil mayroong hindi kuulangin sa 10 milyong botante na nagmumula sa mahihirap na probinsiya na kadalasan ay hawak ng mga dinastiya.
Sinabi rin niya, upang malansag ang paghahari ng mga makakapangyarihang pamilya sa ating politika, kailangan makapagtatag ng mga pamamaraan na makapipigil sa mamamayan na dumepende sa inililimos ng mga politikong kabilang sa mga itinuturing na dinastiya.
“Hanggang ang karamihan sa atin ay pumipila sa bahay ng sino mang politiko para tumanggap ng tulong at hindi sa city hall, hindi tayo makalalaya sa mga political dynasty,” diin ni Mendoza.
ni Tracy Cabrera