Hindi namin napanood ang movie version ng Ang Probinsiyano kaya wala kaming mapaghahambingan nito at hindi namin maikukompara ang acting ni Coco Martin kay FPJ.
Gayunman, hindi na kinukuwestiyon ang abilidad ni Coco pagdating sa pag-arte dahil sa tingin namin ay walang papel na hindi niya kayang gampanan, sa madaling salita, mina-mani na lang niya ang lahat.
Tulad sa eksenang nagte-training sila sa kampo para maging pulis ay walang keber si Coco kung ano ang hitsura niya (kinalbo siya) dahil ang katwiran niya ay kailangang maging makatotohanan ang papel na ginagampanan bilang gustong maging pulis.
Alam din naming mahirap ang dinaanan nilang mga training dahil sa pagkakaalam namin ay hindi sila binigyan ng special treatment ng trainors nila.
Ang ganda pala ng kuwento ng Ang Probinsiyano dahil may kakambal pala si Coco bilang si Ador na taga-Maynila at Kadyo naman ang pangalan niyong taga-probinsiya na isa namang sundalo o SAF.
Nagkahiwalay sila noong maliit pa sila na ginampanan ni Nash Aguas na akala ng lahat ay patay na si Kadyo.
Si Jaime Fabregas ang may hawak ng susi sa apong kambal at dahil namatay nga si Ador, pinatay siya ni Arjo Atayde bilang si Rex Amarillo na papel noon ni Paquito Diaz sa movie version.
Hindi ipinaalam ni Jaime sa pamilya at sa ibang pulis ang pagkamatay ni Ador dahil nga may mga kaso pa itong kailangang malutas.
Ipinaalam niya ito sa mga nasa itaas na posisyon na palalabasing buhay pa si Ador at si Kadyo ang ipapalit at magpapatuloy.
May pagkakaiba naman ang kambal, pormal at pinadong kumilos si Ador, barubal at dugyot naman si Kadyo kaya maski na ginaya na niya ang hitsura ng kakambal na laking Maynila ay tiyak na lalabas pa rin ang natural niyang ugali na aabangan sa ikalawang linggong episode ng Ang Probinsiyano.
Samantala, natatawa kami kay Coco (Ador) dahil ito lang yata ang serye niyang marami siyang kissing scene sa asawang si BelaPadilla. At take note, talagang sa lips ang halikan nila na hindi namin mabilang kung ilan.
Hindi kaya pagselosan ng boyfriend ni Bela si Coco?
Anyway, walang itulak kabigin pagdating sa pag-arte ang mga artistang naka-eksena ni Coco sa unang linggong episode tulad nina Jao Mapa, Ramon Christopher, Ping Medina, Jaime Fabregas, Dennis Padilla, John Medina, Lester Llansang, Art Acuna, Arjo, Bela atMs Susan Roces na pakiwari namin ay highlight lahat ng eksena nila.
Ang galing ng batang bagong diskubre ng Dreamscape Entertainment na si Onyok na inampon ni Kadyo (Coco) at naging buddy-buddy niya na nagwawala noong paluwas na ng Maynila ang aktor para gampanan ang iniwang trabaho ni Ador.
Hindi nagpaiwan si Onyok dahil mag-isa siyang lumuwas ng Maynila at naging batang pulubi para lang hanapin si Kadyo na magiging susi para malaman kung sino ang nagpapatakbo ng sindikato at magiging dahilan din para mabuking na hindi na pala siya si Ador.
Pagkatapos ng screening ay tinanong namin ang isa sa business unit head ng Dreamscape na si Mr. Rondell Lindayag kung sino si Onyok at saan siya nanggaling, “ay nag-audition po siya, hindi ko alam kung taga-probinsiya, pero alam ko taga-Manila lang.”
In fairness, may bagong pasisikatin na naman ang Dreamscape Entertainment na may pagkakaiba lang dahil tipikal na batang mahirap, mukhang probinsiyano, si Onyok pero nakasisiguro kami na magugustuhan siya ng manonood ng Ang Probinsiyano.
Ang Nathaniel ang papalitan ng FPJ’s Ang Probinsiyano na mapapanood na sa Setyembre mula sa direksiyon nina Avel Sumpongco at Malu Sevilla handog ng Dreamscape Entertainment na pinamamahalaan naman ng business unit head na si Julie Ann R. Benitez.
FACT SHEET – Reggee Bonoan