Magdeklara ka na nga Senadora Grace…
Joey Venancio
August 21, 2015
Opinion
HINDI na tinatantanan ng mga banat si Senadora Grace Poe.
Ipinadi-disqualify siya sa Senado dahil isa pa raw siyang American citizen.
Kulang pa raw ang kanyang mga taon ng paninirahan sa bansa para maging Senador at kumandidatong presidente sa 2016.
Wala raw estado o stateless ang Senadora dahil napulot lang (sa loob ng simbahan sa Jaro, Iloilo) at hindi alam o kilala ang mga magulang kung Filipino o hindi.
Ang lahat ito ay lumabas nang biglang manguna sa mga survey sa paka-presidente sa halalan sa 2016 si Sen. Poe.
Isang Rizalito David ang nagsampa ng kaso sa Senate Electoral Tribunal (SET) para i-disqualify si Poe sa pagka-Senador at pagtakbong presidente sa darating na eleksiyon.
Si David ay talunang kandidatong senador noong 2013.
Pero ang duda ng kampo ni Sen. Poe, may mga taong nagpapagalaw o sumusulsol kay David para sirain ang kanyang pagkatao para malaglag sa surveys at hindi na makakandidatong presidente.
Pinagdududahan dito ang kampo nina Vice Presidente Jojo Binay ng United Nationalist Alliance (UNA) at DILG Secretary Mar Roxas ng Liberal Party.
Sina Binay at Roxas ay kapwa nagdeklarang tatakbo sa pagka-presidente. Pinag-aagawan nilang maging running mate o vice president si Poe.
Pero si Poe ay nangunguna sa survey sa presidentiables at may mga grupo at partidong gusto siyang suportahan.
Sa masasamang isyung ibinabato sa kanya ngayon, tila nagkakaroon pa ng energy si Poe para lumaban nang presidente. Tila gusto na niyang magdeklara. Go na poe, Senadora!
Pero, sabi ng mga political analysts at maging ni dating Chief Justice Reynato Puno, P2 bilyon ang kailangan para maging seryosong kandidato sa pagka-pangulo ng bansa.
Kaya bang ibigay ng mga nagsusulong kay Poe ng napakalaking halagang ito?
Ang isa pang problema ni Poe, wala pa siyang partido at makinarya… e higit isang buwan na lang filing na ng candidacy. Siyam na buwan na lang, eleksiyon na! Gahol na sa oras ang Senadora para maplantsa lahat ng kailangan para maisulong ang pagtakbong presidente.
Kunsabagay, si PNoy nga noon na walang kabalak-balak mag-presidente ay biglang naging pangulo…
Baka ito rin ang destiny ni Grace?
Palalang bentahan ng shabu at nakawan sa Leyte
– Sir Joey, tulong naman dyan. Palala na po yung mga bentahan ng shabu sa Abuyog, Leyte. Pati mga pasugalan grabe narin. Ang mga may-ari mga opisyal po dito sa Leyte. At marami narin po magnanakaw lalo yung mga baboy at carabao. Sana maaksiyunan ito ng mga awtoridad. ‘Wag po ilabas ang numero ko. – Concerned citizen
Kapag naging talamak ang shabu sa isang lugar at maraming adik, tiyak lalala ang nakawan. Kaya dapat talagang tutukan ng pamahalaan ang pagsugpo sa ilegal na droga. Dapat din kumilos ang local governments pati na ang barangays para masawata ang paglaganap ng bawal na gamot na ugat na ng lahat ng krimen sa bansa. Sugpuin ang mga tulak at i-rehab ang mga adik! Let’s do this, bayan!
Pasalamat sa mga pulis ng PCP-5 (MPD)
– Sir Joey, gud am. Nais ko lang po magpasalamat sa PCP-5 Ermita Tourist Police (MPD) sa agarang pagkahuli sa snatcher na si Alfredo Legazpi. Na-snatch kasi ang celfone ng anak ko na estudyante ng PLM sa kanto ng P. Burgos/Ma. Orosa kahapon 2pm. Naibalik sa anak ko CP niya. Kudos to PO1 Gabon, PO2 Beth Paraiso at PO3 Leyva. Mabuhay po kayo. – Marlon, 09324473… (August 16 at 9:11am)
Kung ganito ang natatanggap nating balita sa mga pulis, nabubuhay ang pagtitiwala natin sa PNP. Pero sa totoo lang… marami akong natatanggap na report ng panguhulidap ng mga pulis d’yan sa Ermita.
REAKSYON at REKLAMO… Sumulat sa POLICE Files!: JGV Publishing House, Inc., Leyland Bldg., Delgado St., cor 20th St., Port Area Manila Phil. Telefax 521-7015