This site uses cookies for analytics and to improve your experience. By clicking Accept, you consent to our use of cookies. Learn more in our privacy policy.
SUGATAN ang isang pedicab driver makaraan barilin ng isa sa magkapatid na kanyang nakaaway sa larong basketball sa Tondo, Maynila kamakalawa.
Nilalapatan ng lunas sa Gat Andres Bonifacio Medical Center ang biktimang si Reynaldo Zorilla, 26, ng 227 Pacheco St., Tondo, dahil sa tama ng bala sa kaliwang bahagi ng katawan.
Habang pinaghahanap ng mga tauhan ng Manila Police District-Don Bosco Police Community Precinct ang magkapatid na mga suspek na sina Alvin Legaspi, 30; at Rodolfo, Jr., 23, kapwa ng F. Varona St., Tondo, Maynila, mabilis na tumakas makaraan ang insidente.
Nabatid mula kay Chief Insp. Elmer Vergara, Don Bosco PCP commander, dakong 9:15 p.m. nang mangyari ang insidente habang nagmamaneho ng pedicab ang biktima sa Dela Fuente at Pearl streets, Tondo.
Natukoy ang mga suspek na responsable sa pamamaril nang mapanood ang footage ng CCTV sa Brgy. 122, Zone 9 kaugnay sa insidente.
Nabatid na nag-away ang biktima at suspek na si Alvin nang magkapikonan sa paglalaro ng basketball noong nakalipas na buwan.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya hinggil sa insidente.
Leonard Basilio, may kasamang ulat nina Rhea Fe Pasumbal, Anne Marielle Eugenio, Beatriz Pereña, at Angelica Ballesteros