UNISAN, Quezon – Kapwa duguan at wala nang buhay ang mag-asawa nang matagpuan ng mga awtoridad sa loob ng faculty room ng isang paaralan sa Brgy. Poblacion, Unisan, Quezon kamakalawa.
Kinilala ni Senior Insp. Jun Villarosa, hepe ng Unisan PNP, ang biktimang itinago sa pangalang Alice, 40, titser, habang ang suspek ay si alyas Glen, 41, tricycle driver, residente ng nasabing bayan.
Ayon sa imbestigasyon, dakong 11:30 a.m. pagkatapos makapananghalian ng biktima at kanyang co-teachers sa loob ng faculty room ay dumating ang kanyang asawa na galit na galit at sinabing mag-usap sila.
Pagkaraan ay dali-daling lumabas ang suspek at nagpunta sa kanyang pinsan.
Ngunit nang bumalik ay may bitbit nang baril at itinutok sa kanyang misis saka sumigaw ng katagang “Huwag kang mag-alala, magpapakamatay ako sa harapan mo,” sabay kalabit ng gatilyo ng baril at duguang bumagsak sa sahig ang walang buhay na biktima.
Pagkaraan ay kinuha ng suspek sa nakaparada niyang tricycle ang patalim at sinaksak ang sarili sa harap ng bangkay ng kanyang misis.
Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na selos ang nag-udyok sa suspek para gawin ang insidente makaraan mabalitaan na may ibang karelasyon ang kanyang misis.
Raffy Sarnate