Nang itawag daw ito sa kanya ay hindi siya naniwala dahil wala namang pruweba kaya naman nang dalhin ito sa kanya noong Martes ng gabi ay talagang naglulundag siya sa tuwa.
Base sa natanggap na sulat mula sa Gawad Amerika award giving body, binigyan siya ng halaga sa magandang pagganap sa seryeng Please Be Careful with My Heart at mga programang Maalaala Mo Kaya, at iba pang nilabasan ni Ibyang.
Napansin din si Sylvia sa pelikulang The Trial na ipinalabas noong nakaraang taon kasama sina Richard Gomez, Enrique Gil, Gretchen Barretto, at John Lloyd Cruz na idinirehe naman ni Chito Rono mula sa Star Cinema.
Si Sylvia ang nag-iisang artistang napili at si Boy Abunda naman sa TV host at ang iba ay pawang mga negosyante na.
“Grabe Reggs, hindi ko alam ang nararamdaman ko ngayon, parang tulala ako or something, kasi siyempre sa ibang bansa pa itong imbitasyon ko at nanalo pa. Makatatanggap ako ng trophy ha, ha, ha,” humihiyaw na sabi ng aktres sa kabilang linya.
Sabi namin, ‘bongga ka, pang Amerika pala ang performance mo kasi hindi ka napansin sa ‘The Trial’ at ‘Be Careful with My Heart’ ng award giving bodies dito sa Pilipinas.’
Sagot sa amin ni Ibyang, “Hayaan mo na, God will make a way, sabi nga, hindi natutulog ang Diyos at nakita niya lahat ng pinaghirapan ko o namin sa mga nagawa kong projects.
“Talagang dadalo ako, magpapaalam ako sa taping ko ng ‘Ningning’, dadalo ako, hindi puwedeng hindi, first time ko ito, excited ako.”
Nanghihinayang ang aktres dahil hindi niya makakasama sa biyahe ang mga anak.
“Siyempre gusto kong makasama sila sa pagtanggap ko ng award, gusto ko makita nila, eh, hindi naman puwede, may tapings sina Arjo at Ria, sina Gela at Xavi naman may pasok sa school. Kaya si Art (asawa) na lang isasama ko,” sabi ni Ibyang.
Dagdag pa, “hayan, nadagdagan na ang mga trophy na naka-display sa lagayan ko na ikukuwento ko sa mga magiging apo ko pagdating ng araw.”
FACT SHEET – Reggee Bonoan