INAASAHANG magiging makulay ang nalalapit na PBA Rookie Draft sa Agosto 23 sa Robinson’s Place Manila dahil sa pagdating ng 16 na Fil-foreign na manlalaro.
Inaasahang magiging top pick sa draft ang 6-7 na Fil-Tongan na si Moala Tautuaa ng Malaysia Dragons ng ASEAN Basketball League na inaasahang kukunin ng Talk n Text bilang top overall pick.
Bukod kay Tautuaa, ang iba pang mga Fil-foreigner na siguradong mapipili sa unang round ng draft ay sina Maverick Ahanmisi ng Café France, Norbert Torres ng La Salle at Chris Newsome ng Ateneo.
Sinabi ng team owner ng Blackwater Sports na si Dioceldo Sy na pakay ng Elite na kunin si Ahanmisi na nagdala sa Bakers sa korona ng PBA D League Foundation Cup noong Hunyo.
Sa ikalawang round ay inaasahang makukuha sina Ryan Wetherell ng University of Southern California, Mike DiGregorio ng McKendree University, Kris Rosales ng Hope International, Jerramy King ng AMA University, Simon Enciso ng Notre Dame de Namur University, Jawhar Purdy ng California State Stanislaus, Abel Galliguez at Alex Austria ng Cagayan Rising Suns.
Sa mga homegrown na Pinoy, nagpalista na sa draft sina Troy Rosario at Glenn Khobuntin ng National University, Garvo Lanete ng San Beda, Almond Vosotros ng La Salle, Jonathan Grey ng St. Benilde, Josan Nimes ng Mapua at Bradwyn Guinto ng San Sebastian.
Si Rosario ay inaasahang magiging ikalawang pick ng draft at hawak ito ng Mahindra Enforcers (dating Kia Carnival).
Samantala, plano ng bagong head coach ng Barangay Ginebra San Miguel na si Tim Cone na pakawalan ang ilang mga manlalaro ng Kings bilang bahagi ng kanyang paglilinis sa lineup nila para sa bagong PBA season.
Ilan sa mga inaasahang itatapon ni Cone ay sina Josh Urbiztondo at Dorian Pena. (James Ty III)