Kuwento ni direk Antoinette, ”inayos po muna ang lahat ng kailangan doon bago kami pumunta (lumipad), sobrang malaking lokasyon sa story ang San Francisco para hindi kami nakahanda.
“Siyempre nakatatakot po na makunan namin ang San Francisco hindi naman kami makabalik.
“Yung TFC po, tinulungan kami ng bonggang-bongga,” masayang kuwento ng direktor ng JaDine.
At hindi kami sigurado kung sinagot din ng TFC ang gastos ng grupo habang doon sila nagsu-shoot kaya naging co-producer sila. Ang mahal kaya sa Sanfo, Ateng Maricris, mas mahal pa sa New York City , USA .
Anyway, muntik nang maging solo presscon ni direk Antoinette ang On The Wings of Love sa rami ng nagtatanong sa kanya kasi nga naman bago siya sa paningin ng entertainment press dahil una niyang teleserye ang JaDine project. Kaya ang tanong kaagad sa direktor nina James at Nadine ay kung hindi ba siya nanibago sa pagdidirehe ng serye?
“Noong umpisa po naninibago po ako kasi galing po akong pelikula na, mas mahaba, na ‘yung buong character, art niya, eh, sa isang buong script mo siyang gagawin.
“Sa teleserye naman, siyempre first time kong pumasok dito, may big ender so hindi ko masyadong (alam), pero na-realize ko na parang magkaiba lang sila ng medium, pero pareho lang silang nagkukuwento, pareho lang silang may gustong sabihin ng kuwento tungkol sa love, tungkol sa relationship, so ‘yung pagdi-direhe ng isang kilig sa movie, parehas lang po siya sa teleserye. Ang pagkakaiba lang, bago ‘yung artista na katrabaho ko, sina James at Nadine.”
At kaya siya naging direktor ng On The Wings of Love ay dahil ang ganda raw kaagad ng offer sa kanya ni Dreamscape Entertainment head, Deo T. Endrinal.
“Si sir Deo (Endrinal), nagbigay po siya ng mga option ng stories, mayroon pong Ryan Gosling (American Actor), hindi biro lang, so nagbigay ng options ng stories, eh, ang pinakamalapit talaga sa akin ‘yung love story romantic comedy, at saka sina James at Nadine kasi, napanood ko sila sa ‘Diary ng Panget’, sobrang na-endear na ako sa kanila, si James Reid at Nadine Lustre ‘yung isang option, ‘yun po ‘yung pinili ko at saka love story, eh. Malapit sa akin ang love story,” say ni direk Tonette.
Winter ang weather sa San Francisco noong pinalipad sina direk Antoinette kaya naman nahirapan silang mag-shoot.
“Ano po, malamig, kahit laki kaming aircon, malamig. Ang difference po talaga, mahirap mag-shoot sa isang malamig na lugar tapos hindi pa namin kabisado ‘yung lokasyon, tapos skeleton crew lang po kami, kami-kami lang ang magkakasama, kapag kailangan mo ng tubig, kumuha ka ng tubig, walang mag-dadala sa ‘yo.
“Ang difference roon sa US, lahat kayo (artists at crew) tulungan, family kayo, walang laglagan. Kasi kung may isang hindi nag-trabaho ng maayos, hindi matatapos ng maayos at maganda ‘yung movie.
“Masarap sa umpisa ang malamig na weather, pero hindi na sa katagalan kasi sobrang lamig po talaga roon, as in kailangan naming mag-bonnet at mag-gloves at mag-pray,”kuwento pa ng direktor.
At sobrang nagustuhan sina James at Nadine dahil, ”sobrang inaalalayan nila ang isa’t isa, nagtutulungan sila sa kanilang mga eksena, saluhan. Kaya nakatutuwa kasi ang gaan nilang ka-trabaho, sobrang alaga nila ang loveteam nila, hindi ako nahirapan sa kanila.”
Mapapanood na sa Agosto 10 ang On The Wings of Love na pagbibidahan nina James at Nadie kasama rin sina Joel Torre, Nanette Inventor, Albie Casino, at Cherie Pie na idinirehe nina Antoinette at Jojo Saguin.
FACT SHEET – Reggee Bonoan