Binay malakas pa rin sa probinsya
Joey Venancio
August 3, 2015
Opinion
GALING ako ng Tablas, Romblon. Dalawang araw din akong nakipagkuwentohan sa aking mga kababayan sa bayan kong tinubuan.
Ilang grupo ng mga magsasaka at mangingisda ang aking nakakuwentohan kaharap ng “tuba.” Puros politika na rin ang pinag-uusapan ng mga tao rito.
Op kors, ang mainit na pinag-uusapan ay local candidates. Pero mas mainit ang sa presidente at bise presidente.
Between DILG Mar Roxas at Vice President Jojo Binay, sad to say na kailangan mag-double hanggang triple time sa pagtatrabaho ang mga tao ni Roxas o siya na mismo ang mag-ikot-ikot sa mga isla-isla, maliit man o malaki, sa Filipinas. Dahil mas matunog pa rin si Binay sa mga bayan-bayan sa probinsiya, partikular sa Tablas.
Isang kaibigan ko rin mula sa Boracay, tawid isla ng Tablas, ang nagsabing matunog sa kanilang lugar si Binay kompara kay Roxas.
Dahil siguro hindi masyadong abot ng social media ang karamihan sa mga tao roon na busy sa kanilang pagsasaka at pangingisda mula umaga hanggang gabi. Kaya hindi sila updated sa mga kinakaharap na kasong katiwalian ni VP Binay at kanyang pamilya.
Sa totoo lang, sa mahihirap na bayan sa probinsiya, ang mga tao ay bumoboto ayon sa dikta ng kanilang barangay chairman, na kumukuha naman ng go signal mula sa kanilang alkalde na sumusunod din sa dikta ng kongresista o gobernador. Kaya dapat magaling ang local officials at mga kandidato sa ibaba ni Roxas para magtrabaho para makakuha ng malaking boto sa level ng mga ordinaryong mamamayan.
‘Yan ang trabahuin ninyo ngayon, Sec. Roxas, para manalo kayo laban kay Binay. A1 tips ito, Mr. Secretary.
Marami raw jumper ng koryente sa Brgy 112, Tondo
– Gud day po, Sir Joey. Di ko po alam kung pano malalaman kung nagdya-jumper ang isang bahay o pagnanakaw ng kuryente. Kaya po ako nagte-text dahil ako’y nagrereklamo dahil tapat naman po kaming nagbabayad ng electric bill namin. Kaso naririnig ko lang sa mga kapitbahay at sa mga kaibigan ko na meron kaming mga kapitbahay na nagdya-jumper dito po banda sa Brgy. 112, Tondo, Manila. Marami daw po dito kaya paki-check nyo naman sa Meralco baka po kais dumating ang oras magkaroon ng problema, madamay pa yung iba sa mga pinag-gagagawa nila. Salamat po. Huwag nyo nalang ilabas ang numero ko. Concerned lang po ako.
Dapat i-abolish ang party list!
– Mr. Venancio, dapat i-abolish na yang party list na yan. Nakakadagdag lang yan sa budget at corruptions sa gobyerno. Wala namang ginawa kundi ang pumorma. Wala namang alam ang mga yan eh. Panggulo lang yan sa gobyerno natin kaya dapat i-abolish na yan, ibigay nalang sa mga foundation ang pinapasahod dyan, mapaki-nabangan pa. Dati noong mga panahon wala namang party list mild, lang ang kaguluhan sa gobyerno. Nang magkaroon ng party list lalong gumulo at naghirap ang bansa. Kung hindi puwedeng i-abolish e di ang mga congressman nalang ang alisin. Ang dami dami ng mga representatives parehas din naman ang kalakaran na nangyayari sa bansa. Boycot ang Party List! – 0946984…
Sang-ayon ako sa opinion ng ating texter. Dahil kung ti-tingnan ang party list ngayon, karamihan ay maka-kaliwa. Bahagi na sila ng gobyerno, tumatanggap ng pork barrel, pero nagrarali pa sa mga kalye, istorbo sa trapik! Pero bago maalis ang party list, kailangan kumpunihin uli ang ating Konstitusyon!
REAKSYON at REKLAMO… Sumulat sa POLICE Files!: JGV Publishing House, Inc., Leyland Bldg., Delgado St., cor 20th St., Port Area Manila Phil. Telefax 521-7015