FINALLY, personal na inendoso ni Presidente Noynoy Aquino si DILG Secretary Mar Roxas bilang Pangulo sa 2016 at magpapatuloy sa ‘daang matuwid.’
Naganap ang nasabing deklarasyon kahapon sa Maharlika ballroom ng Club Filipino, Greenhills, San Juan City na naging makasaysayan ang lugar dahil ditto nanumpa ang namayapang Corazon Aquino bilang ika-11 Presidente ng Pilipinas at unang babaeng humawak ng may pinaka-mataas na posisyon ng bansa.
Nasa pagtitipon ang lahat ng miyembro ng Liberal Party, mga kaanak at kaibigan ni Secretary Mar sa pangunguna ng nanay niyang si Gng. Judy Araneta-Roxas, nag-iisang anak na lalaki, at ang maybahay na si Ms Korina Sanchez-Roxas na magkakatabing nakaupo sa harapan ng entablado.
Habang nagpapasalamat si Mar sa pagbibigay halaga sa kanya ni PNoy ay naiiyak siya at inihingi niya ito ng dispensa dahil mababa nga raw talaga ang luha niya.
Bahagyang naikuwento ni Secretary Mar na pribadong mamamayan siya kung hindi namatay ang kapatid niyang si Dinggoy o Gerardo Roxas, Jr. na siya sanang magpapatuloy ng legacy ng ama sa politika na si dating Senador Gerardo Roxas, Sr, 1963-1972.
At dahil tatlo lang silang magkakapatid at si Mar na lang ang naiwang lalaki kaya siya ang magpapatuloy sa adhikain ng pamilya.
Namataan naman sa nasabing pagtitipon at nagbigay ng suporta ang kilalang celebrities na sina Regal Entertainment producers, Mother Lily Monteverde at Roselle Monteverde-Teo, Dennis Padilla, Smokey Manaloto, Ms Leah Navarro na naging host habang hinihintay ang pagdating nina PNoy.
Pagkatapos ng announcement ni PNoy ay ipinarinig naman ni Noel Cabangon ang awiting, ‘Dapat ang Pangulo, MARangal, MARespeto.’
Nakakatawa Ateng Maricris dahil may mga nagkomento kaagad sa social media na, ‘at least hindi BINAYaran ang pangalang MARangal at MARespeto.’
Samantala, sa pagdalo ba nina Mother Lily at Roselle ay ibig sabihin ay sarado na ang suporta nila kay Secretary Mar?
Paano na si Senator Grace Poe-Llamanzares na hinuhulaang kakandidato rin sa pagka-Presidente ng Pilipinas? Hindi ba’t malapit ang pamilya Monteverde sa pamilya Poe at kay Ms Susan Roces?
Well, hindi pa naman din sigurado si Grace kung kakandidato nga siya baka pinag-aaralan pa niyang mabuti kung swak ang tandem nila ni Senator Chiz Escudero na very vocal na nagsasabing kakandidato siya bilang pangalawang pangulo ng Pilipinas.
Oh well, let’s see what’s happen next, sabi nga ni Grace, hanggang Oktubre pa siya puwedeng magdeklara.
FACT SHEET – Reggee Bonoan