Binay si Marcos naman ang gusto maging Bise
Joey Venancio
July 26, 2015
Opinion
SI Senador Bongbong Marcos naman ang sinasabi ngayon ni Vice President Jojo Binay na maging running mate niya sa pagtakbong presidente sa 2016 election.
Nagkasabay kasi ang dalawa patungong Davao City last Friday.
Sabi ni Binay, matagal na silang magkaibigan ni Bongbong. At gusto niya ito maging Bise Presidente, base narin sa rekomendasyon ng kanyang “search committee”.
Si Bongbong ay consistent din sa mga survey sa pagkapresidente at bise presidente. Kalat na nga sa social media ang kanyang pagtakbong pangulo sa ilalim ng Nacionalista Party (NP) na ang maaring maging bise ay alin kina Sen. Alan Peter Cayetano at Sen. Antonio Trillanes.
Kung si Bongbong naman ang maging bise ni Binay, tanggapin kaya sila ng tao?
Kasi noong panahon ni late President Ferdinand Marcos, ama ni Bongbong, isa si Binay sa mga nangunguna sa mga rali para ibagsak ang matandang Marcos. Tapos ngayon gusto niyang (Binay) maging running mate ang anak ng pinalayas at sinabihan nya noong dikator? Tsk tsk tsk…
Bakit hindi nalang si Sen. Chiz Escudero na nag-endorso sa kanya noong 2010 ang alukin niyang maging running mate?
Si Escudero ay malakas sa survey sa pagka-bise presidente. Very vocal na nga ito sa pagsabing tatakbo siya sa higher position sa darating na halalan.
Bagama’t matunog na maging running mate siya ni Sen. Grace Poe ay wala pa namang katiyakan kung tatakbo nga sa pagkapangulo ang bagitong senadora. Dahil pinakikiusapan ito ni PNoy na maging running mate nalang ni Mar Roxas na kinukonsidera nang mamanukin ng Pangulo.
Balikan natin ang Binay-Marcos tandem. Tikom pa ang bibig ni Bongbong dito. Pero sa tingin ko ay hindi papatulan ng batang Marcos ang alok ni VP Binay. Dahil presidente rin ang gusto nina Congresswoman Imelda at Gov. Imee Marcos para kay Bongbong!
Si Binay ay una nang tinanggihan ng mga inalok niyang maging running mate na sina Batangas Gov. Vilma Santos, Sen. Grace Poe at Davao City Mayor Rodrigo Duterte.
Pero kung si Amay Bisaya ang alukin ni Binay, tiyak hindi siya magdadalawang salita.
Sabi nga ni Amay, hinihintay lang niya ang pormal na alok ni VP Binay para maging running mate siya. Yes! Hahaha…
Nawala ang paghanga sa INC
– Boss Joey, isa sa hinahangaan kong relihiyon ang INC. Wala na ako masabi sa kanila. Pero nung suportahan nila ang magnanakaw (na politiko) sa Maynila, nawala ang paghanga ko sa kanila. Ngayon nabulgar ang di magandang pangyayari sa INC na ‘di naman ibang tao sa kanila ang nagbulgar ng anomalya sa grupo nila. Lalo na ako nawalan ng paghanga. Pera r in pala ang mahalaga s akanila at di ang tunay na pagmamahal sa Dios. Ayoko naman sabihing karma sa INC ang nangyaring malaking kahihiyan mismo ng angkan ng Manalo. Pinatutunayan lang siguro na ‘di nangingibabaw ang pera para sa kabutihan. Sinuportaan nila si (politiko) magnanakaw, hindi ang mabuting tao na naglingkod ng buong puso at katapatan sa mamamayan ng Maynila. Saan ba ang relihiyon, sa mabuti ba o sa masama? Malaking kahihiyan sa kanila ang nangyari ito. Ang tuwa lang ng Ang Dating Daan ni Ely Soriano. May ipupukol siya na malaking kasiraan ng INC. E sa kanya, wala? Josko dayyy! – Juan po ng Tondo
Lahat naman ng relihiyon ay may problema sa liderato. Mabuti narin ang ganyang nagkabulgaran at nakikita ang mali at maitutuwid na sa hinaharap lalo na sa pagpili ng tamang kandidato. Mas maganda nga kung bigyan na nila ng kalayaan ang kanilang mga miyembro na pumili ng gustong kandidato, walang endorsement, para naman fair sa lahat ng kandidato. Wish ko lang…
REAKSYON at REKLAMO… Sumulat sa POLICE Files!: JGV Publishing House, Inc., Leyland Bldg., Delgado St., cor 20th St., Port Area Manila Phil. Telefax 521-7015