MABAGSIK pa rin ang kamao ni Nonito Donaire Jr. sa ipinakita niyang knockout win kontra kay Anthony Settaoul sa 2nd round sa naging laban nila noong Sabado sa Cotai Arena sa Macao.
Non-title fight ang sagupaang iyon pero hagdan iyon ni Donaire para muling mapalaban sa isang pantitulong bakbakan.
Mukhang hinahamon niya si WBA champion Scott Quigg ng Britain.
0o0
MALAKING bagay ang pagbuhay muli ni PS7 Station Commander Supt. Joel Villanueva sa Compac na ngayon ay ginawang bahagi ng PCP.
Mas lalo nating sinaluduhan itong si Supt. Villanueva sa kanyang adhikain na maging mapayapang pamayanan ang kanyang nasasakupan nang italaga itong si PSInsp. Ronaldo Santiago bilang PCP Commander ng Hermosa para palakasin ang puwersa ng kapulisan lalong-lalo na dito sa aming lugar sa Lico St. at karatig lugar na medyo pinamahayan yata ng mga impaktong holdaper at snatcher.
Gala tayong kolumnista at lagi tayong concern sa kaayusan ng kapaligiran natin dito sa Tondo na nasasakupan ng PS7 kaya lagi nang nagmamanman tayo. At nakita natin, so far, simula nang manduhan ni PSInsp Santiago ang Hermosa PCP ay tumibay ang police visibility dito sa paligid ng Lico lalo na doon sa Cavite St. at Avenida corner Blumentritt na kung saan ay talamak dati ang pitasan at holdapan. At ito’y base na rin doon sa angas ng mga snatcher sa aming lugar—hirap na silang makapitas sa nasabing mga lugar dahil parating may pulis doon sa PCP detachment 24/7.
Hindi nga nagkamali ng pagtatalaga itong si Supt. Villanueva kay PSInsp Santiago na manduhan ang Hermosa PCP. Masipag talaga. Hindi sa anupaman, kailan lang ay nakita natin itong si PSInsp. Santiago sa tabi ng PCP Abad Santos na nagmamando ng buhol-buhol na trapik kasama ang kanyang mga tauhan.
Well, naikukuwento natin ito para naman maibsan kahit konti ang dagok sa kapulisan na kamakailan ay medyo gumiba sa imahe ng institusyon. Isolated case lang iyon. Marami pa ring masisipag na pulis na tapat sa kanilang tungkulin.
KUROT SUNDOT – Alex Cruz