KAPAG present talaga si Kiray Celis sa presscon o programa ay hindi puwedeng hindi ka matawa sa mga pinagsasabi niya.
Ganito ang nangyari sa launching ng mga programang LolaBasyang.Com at # ParangNormal Activity mula sa The IdeaFirst Company nina direk Jun Lana at Perci Intalan na mapapanood na bukas ng gabi sa TV5.
Ibinuking ni Kiray ang sarili na sana ay makasama si Tom Taus, Jr. sa programa nila dahil,”gusto kong magpa ‘bebe’ kay Tom.”
Wala pa raw boyfriend si Kiray hanggang ngayon pero, ”pinu-push ko na, sana pumayag si mama.”
At kaya si Tom ang gusto niya, ”kasi hot siya. Uy, ‘wag n’yo isulat (nakakahiya) para mag ‘pabebe’ po ako.”
Tawanan ang lahat sa sinabing ito ni Kiray, bakit nga ba si Tom?
“Sabik ang lahat kasi galing siya sa ibang bansa. ‘Di ba sikat siya, si Cedi, sobrang sikat siya. Parang puwedeng itapat kay Lola Basyang. Si Cedi, ang prinsipeng tsururut, parang ganoon,”katwiran naman niya.
Anyway, nagtaka kami kung paano napunta si Kiray sa #ParangNormal Activity, eh, TV5 iyon, di ba’t taga-ABS-CBN siya? At alam namin ay nasa Luv U siya.
Kuwento ni Kiray, ”wala na po, pinapunta po kami sa ibang bansa, ‘yun po ang pinalabas na kuwento, ako po sa Malaysia, ‘yung iba sa Singapore.”
Nagulat kami na wala na pala siyang show sa Dos at dahil siya ang inaasahan ng pamilya kaya hindi puwedeng mawalan siya ng work.
“Kaya nga po nagpapasalamat ako kay direk Perci, kasi guest lang ako dapat dito sa ‘#ParangNormal Activity’ na naging main cast na rin kasi si direk Perci, eh, nakasama ko sa ‘Shake, Rattle and Roll’ last year at natutuwa siya sa akin, kaya kung napansin n’yo sa last two (2) episodes puro ako (#ParangNormal Activity), ‘yung go zee na selfie at mananang-girl, puro ako. Parang hindi halatang favorite niya ako, he, he, he,” sabi ng dalaga.
Pinayagan naman daw siya ng Star Magic na tumalon sa TV5.
“Bakit naman hindi, eh, wala naman akong ginagawa sa kanila (ABS-CBN), mas maiinis pa ako kung wala na nga akong ginagawa, pagbabawalan pa nila ako,”katwiran ng dalaga.
“Actually hindi ako nakakontrata sa kanila, sa Star Magic lang. Sa ABS kasi may kontrata na maski wala kang ginagawa, binabayaran ka as in sinusuwelduhan ka nila. Hindi ako ganoong artista, hindi ako pinapirma, siguro hindi ako ganoon ka-importante para papirmahin.”
Hindi naman siya galit o nagtatampo sa ABS-CBN, ”hindi naman, pero naiinggit, ha, ha, ha, ha.”
Dagdag pa, ”kung sinumang estasyon na mag-offer sa akin na puwede akong makabili ng bahay, lilipat ako. Sinabi ko ‘yan sa mama ko, it’s not about fame, its about money.
“Pera-pera na lang ngayon, hindi na ako sa level na gusto kong sumikat, hindi na ako ganoon. Hindi naman sa malaki na ‘yung ulo ko na feeling ko sikat na ako, hindi ‘yun.
“Hindi iyon ‘yung kailangan ko, hindi ‘yun ‘yung purpose ko para pumasok sa industry na ito. Pumasok talaga ako para makatulong sa pamilya ko like ‘yun ‘yung una kong rason at iyon pa rin ang rason ko ngayon,” paliwanag ni Kiray.
Going back to #ParangNormal Activity ay si Kiray ang energy ng show kaya siguro ginawa siyang main cast ni direk Perci kasama sina Ela Cruz, Nico Nicholas, Eunice Lagunsad, Andrei Garcia, Shaun Salvador, at Ryle Paolo Santiago.
Mala Ghostbuster ang kuwento ng #ParangNormal Activity at hindi naman daw natatakot si Kiray sa mga multo-multo dahil hindi naman nakabukas ang 3rd eye niya, pero naniniwala siya dahil sa raming kuwentong narinig na niya.
FACT SHEET – Reggee Bonoan