NAGPASAKLOLO sa National Bureau of Investigation (NBI) ang isang negosyante na nabiktima ng ‘hulidap’ ng mga pulis na nakatalaga sa Caloocan Police District at natangayan ng P2-milyon sa ilegal na operasyon.
Ayon sa NBI Anti-Organized Transnational Crime Group (NBI-AOTCD), nitong Lunes nagtungo sa kanilang tanggapan ang isang negosyante mula sa Tanauan, Batangas at eksaktong isang taon na ang nakalilipas nang siya ay tangayan ng nasabing halaga ngunit natakot na magsampa ng reklamo.
Bitbit ng biktima ang closed circuit television footages na kuha nang halughugin ng mga pulis ang kanyang bahay.
Masusing iniimbestigahan ng NBI ang nasabing reklamo at inaalam din kung ang dalawang miyembro ng Anti-Illegal Drugs ng Caloocan Police ang inireklamo nitong linggo ng dalawang vendor sa Pasay City ng pangongotong nang halos P250,000 sa naganap na hulidap operation noong Abril.
Sa reklamo, sinabi ng negosyante na pinasok ng ilang miyembro ng Caloocan Police ang kanyang bahay sa Tanauan, Batangas noong Hulyo 2014 at pinagpo-prodyus siya ng pera upang hindi maaresto at makulong hanggang tangayin ang kanilang vault na naglalaman ng P2-milyon.
Sinabi ng biktima, walang maisagot sa kanya ang mga pulis kung ano ang kaso niya, at wala rin search o arrest warrant na maipakita.
(Leonard Basilio, may kasamang ulat ni RHEA FE PASUMBAL)