Takot ba sa Mafiang Burikak na Bruha si Erap?
hataw tabloid
July 6, 2015
Opinion
HINDI raw umubra ang pagiging barakong sanggano at lasenggo ni ousted president at convicted plunderer Joseph ‘“Erap” Estrada sa mafia ng “Maligayang Bruha na Burikak” sa Lawton.
Napaniwala kasi ni “Maligaya” si Erap na hawak niya sa leeg ang ibang mga barangay chairman sa Maynila at kaya nilang mag-deliver ng boto tuwing eleksyon.
Kahit hindi totoo ang ibinibidang boladas ni “Maligaya” kay Erap, hindi makapalag ang mga nakapaligid sa kanya dahil nasa bulsa sila ng Bruhang Burikak.
Walang nangangahas na kumalaban kay “Maligaya” sa sirkulo ni Erap dahil kilala siyang nagpapapatay ng kumokontra sa kanya.
Hindi lihim sa pangkat ni Erap ang dalawang murder case na may kinalaman sa operasyon ng illegal terminal sa Lawton, lalo na’t ang isa sa pinaslang ay dating pulis-Maynila.
Batid nila na hindi sinasanto ng Bruhang Burikak ang kanyang mga kalaban o karibal sa sindikato niyang extortion raket business kapag hindi siya napagbigyan.
Alam nila na mistulang operasyon ng mafia ang pagpapatakbo sa illegal terminal ng UV Express sa Liwasang Bonifacio na multi-milyong piso ang iniaakyat sa bulsa ng Bruhang Burikak.
Ipinaligpit ng Bruhang Burikak sina SPO4 Ed Benavidez noong Marso 6, 2001 at Francis Orda noong Abril 20, 2001 para walang sagabal sa kanyang mafia sa Lawton.
Dahil maraming kuwarta, hindi pinagdusahan habambuhay ng Bruhang Burikak ang krimen.
Para sa kanya, lahat ay natatapalan ng kuwarta lalo na’t pareho silang utak-kriminal at gahaman sa pera ng kanyang amo sa City Hall.
Napag-alaman natin na biktima pala ng pang-aabuso ang Bruhang Burikak noong bata pa siya kaya nagpursiging magpayaman kahit sa illegal na paraan para magkaroon ng kapangyarihan upang hindi na maapi.
Tsk, tsk, tsk… kaya pala gumagasta para maglubid ng mga kasinungalingan sa pagiging “hao-siao at AC-DC na trying hard kulamnista” dahil nais makalimutan ang mapait na nakaraan.
UDM, dapat imbestigahan ng CHED at COMELEC
NAKALULUNGKOT ang natanggap nating balita na ang Unibersidad de Manila (UDM) ay ginagamit umanong kasangkapan para makapaghakot ng botante sa Maynila.
Bago raw kasi tanggapin sa UDM ang isang bagitong estudyante ay kailangang magparehistro muna sa Comelec para maging botante ng Maynila, kahit hindi residente ng lungsod.
Ang siste pa, may kontak daw sa Comelec at may basbas ng City Hall ang isang alibughang chairman sa Maynila para palabasin na mga residente ng kanyang barangay ang mga bagitong botante.
Nagsusumikap kasing makabuo ng higit 5,000 residente ang utak-kriminal na chairman para hindi mapabilang sa mga bubuwaging barangay ang kanyang lugar.
Aba’y kapag nagpaimbestiga nga naman si DILG Secretary Mar Roxas at Comelec Chairman Andres Bautista, ang barangay niya ay mabubuko na ang constituents ay mga rebulto ng mga bayani at mga taong pa-laboy sa kalye.
Nakasaad kasi sa Section 386 ng Local Government Code na dapat ay may 5,000 pataas ang populasyon ng isang lugar para makapagbuo ng isang barangay.
Paano na ang multi-milyong pisong raket sa illegal vendors, snatcher, illegal drugs at illegal terminal kapag nabuwag ang nasabing barangay, lalo na ang ninanakaw na pondo galing sa RPT share?
Dynasty ni Erap, tagilid na rin kahit sa San Juan
KAYA pala ganoon na lang ang pagkukumahog ng kampo ni Erap na magpakalat ng lahat ng klase ng illegal activities sa Maynila ay upang paghandaan ang dalawang malaking giyera na sasagupain ng angkan ng kanilang amo.
Kailangan daw nilang makaipon ng bilyon-bilyong piso para tustusan ang pananatili sa kapangyarihan ng mga Estrada sa Maynila at San Juan City.
Tulad nang nakagawian ng mga Estrada, mamimili sila ng boto at suporta para hindi sila mawala sa kapangyarihan.
Sa Maynila, P2-B o doble ng nagasta ni Erap noong 2013 ang inihahandang pondo para ipambili ng boto.
Nagsisimula na silang mamili ng boto sa halagang P10,000 kada maipapatalang botante sa Comelec kapalit ng pagpaparehistro sa Maynila gayong malayo pa ang eleksiyon.
Ang problema kasi nila, bukod sa tiyak na pagkatalo ni Erap sa Maynila, tagilid na rin ang keridang si Guia sa San Juan City dahil pumapalag na ang mga Zamora sa pag-eetsapuwera sa kanila sa poder ng siyudad.
Alam naman natin kung gaano katindi ang impluwensiya ng mga Zamora sa lahat ng sulok ng gobyerno at mabango rin sila sa mga taga-San Juan dahil ni minsan ay hindi sila nasangkot sa katiwalian.
Mahirap kalaban ang matinong tao sa gobyerno, alam iyan ng mandarambong.
Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09174842180. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected]