Binay vs Erap sa 2016 presidential race
hataw tabloid
July 6, 2015
Opinion
HINDI iilang indikasyon ang nagtuturo na malamang na tumakbo si Manila Mayor Joseph “Erap” Estrada bilang presidente sa darating na 2016 elections. Ang pagkalas ni Erap sa kampo ni Binay ay inaasahan na lalo pa’t mabilis ang mga kaganapan sa politika.
Ang paglulunsad kamakailan ng United National Alliance (UNA) bilang political party at ang hindi pagdalo ni Erap rito ay hudyat na malapit nang kumalas nang pormal ang dating pangulo sa kampo ni Binay.
Kung tutuusin, matagal nang may tensiyon na namamagitan sa dalawa pero napipigilan itong ‘sumabog’ sa banta na maaari itong samantalahin ng ibang political party na kalaban ng UNA.
Nag-umpisang magkalamat ang pagkakaibigan ng dalawa nang magparamdam si Binay na hindi na siya interesadong kunin si Sen. Jinggoy Estrada bilang kanyang running mate dahil nakakulong na sa kasong kaugnay sa PDAF.
Nasundan pa ito nang hindi payagan ni Binay ang planong development ni Erap ng Central Market. Ang Central Market ay nasa ilalim ng HUDCC na dating pinamumunuan ni Binay.
Ang pinakahuli ang pag-angkin ni Binay ng UNA. Kung tutuusin, ang UNA ay binubuo ng Partido ng Masang Pilipino (PMP) na pinamumunuan ni Erap at PDP-Laban na pinamumunuan naman ni Aquilino “Nene” Pimentel.
Kung susumahin, wala talagang tao si Binay sa UNA at maituturing na saling-pusa lang sa grupo nina Erap at Nene.
Kaya nga, kung mawawala si Erap sa eksena ng mayoralty race, si dating Manila Mayor Alfredo Lim ang maituturing na unbeatable candidate sa 2016 elections sa Maynila.