GUSTO lang naming tawagan ng pansin si Manila Mayor Joseph Estrada sa hinaing ng pamilyang may nanay na maysakit ng Alzheimer na taga-Tondo.
Kuwento sa amin, “simula ng si Erap (Mayor Joseph Estrada) ang umupong Mayor ng Maynila, may bayad na sa mga pampublikong ospital, paano naman ‘yung mahihirap tulad namin.”
Dati raw naman ay walang bayad ang konsultasyon at mga gamot nila sa Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center sa may Delpan, Tondo.
“Noong si Lim pa ang nakaupo, libre lahat kaya ang laking tulong sa amin, kaya nabigla kami na lahat may bayad na,” kuwento sa amin ng pamilya tungkol sa bagong patakaran ng nasabing ospital.
Hindi nga ba libre ang mga pampublikong hospital tulad Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center?
Nakapunta na kami sa nasabing ospital noon para dumalaw sa ilang kaibigang maysakit at malaki pala ito at magagaling daw ang mga doktor kaya hindi nawawalan ng tao parati maski na anong oras.
At kaya pala nabago na ang patakaran, “kailangan daw kasi ng pondo, sabi sa amin, utos daw iyon ni Erap kasi noong umupo siya, walang pondo ang Maynila kaya nag-iipon daw.”
Ang alam namin ay benepisyo sa mga mahihirap na walang bayad ang mga gamot sa mga pampublikong ospital para sa mga mahihirap lalo na kung katulad ng sakit na Alzheimer na alam naman ng lahat na mamahalin ang mga gamot.
Kaya pakiusap ng kausap naming pamilya na sana ibalik na ni Mayor Erap ang dating libreng gamot at konsultasyon sa Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center bilang tulong na rin sa mga botante niya.
FACT SHEET – Reggee Bonoan