HANDANG-HANDA na ang Kapamilya star na si Isabelle Daza na sumabak sa kanyang kauna-unahang teleserye sa ABS-CBN na Nathaniel kasama sina Gerald Anderon, Shaina Magdayao, at ang pinakabagong child actor na si Marco Masa.
“Sobrang excited ako na mapabilang sa teleseryeng ito dahil mahuhusay at talented lahat ng actors na makakasama ko. Ayokong mapag-iwanan, kaya mas nakaka-challenge para sa akin na gawin ng maayos ‘yung role ko at patunayan ‘yung sarili ko bilang isang aktres,” pahayag ni Isabelle na gaganap bilang abogadang si Martha.
“Dapat abangan ng TV viewers ang maganda at inspiring na kuwento ng ‘Nathaniel’ dahil tiyak na maraming mapupulot na aral ang mga kabataan at ang buong pamilya sa istorya na ibabahagi namin,” saad pa ni Isabelle.
Ang pinakabagong drama series ng ABS-CBN ay iikot sa kuwento ni Nathaniel (Marco), isang anghel na bababa sa lupa para sa misyon na ibalik ang pananampalataya ng mga tao sa Diyos at ipaalala ang kabutihan sa puso ng bawat isa.
Samantala, masusulyapan na ang mga unang episode ng Nathaniel ngayong Linggo (Abril 12) sa gaganaping special screening nito sa Trinoma Cinema 7, 5:00 p.m..
Ang Nathaniel ay mula sa produksiyon ng Dreamscape Entertainment Television, ang grupong lumikha ng dekalibre at top-rating inspirational drama series tulad ng May Bukas Pa, 100 Days to Heaven, at Honesto.
ni Reggee Bonoan