ISA ang talented na si Isabelle de Leon sa bida sa pinakabagong romantic-comedy mini series ng TV5 na pinamagatang Wattpad Presents: My Ex, My Proffesor. Kapareha niya rito ang Mister International 2014 title holder na si Neil Perez.
Mapapanood na ang My Ex, My Proffesor simula ngayong Lunes, March 23 hanggang March 27, 9 ng gabi sa Kapatid Network.
Siya ba favorite ngayong ng TV5 at ang pumalit sa tronong iniwan ni Alex Gonzaga sa Kapatid Network?
“Hindi naman po favorite,” nakatawang saad ni Isabelle. “Siguro masaya lang po ako na may trabaho na binibigay sa akin yung TV5. Grateful po ako sa opportunities.
“Basta ang masasabi ko lang po, happy ako sa pag-aalaga ng TV5.”
Kung sasabihin na ikaw na yung bagong princess ng TV5 na pumalit kay Alex Gonzaga, ano ang mapi-feel mo?
“Naku siyempre po, grateful po kung sakali po! Kahit sino naman po siguro na mabansagan ng ganoon, magiging grateful. And siyempre ay pressure rin po siguro yun, para mapangatawanan mo yung ganoong titulo po, dapat ay galingan mo palagi.”
Ano ang role niya sa Wattpad Presents: My Ex, My Proffesor?
“Student po ako, tapos mayroong nakilalang gangster na pangalan ay Viel na pino-portray ni Neil. Noong una ay talagang nagka-clash ‘yung personalities namin, tapos ay naging kami.Then, nagkahiwalay kami ng walang closure.
“Abangan ninyo po yung twist nito, kung bakit kami nagkahiwalay. Yun yung pinakanakakatuwa, may karga doon ‘yung Wattpad story na ito.
“Then nagkita kami bilang Math professor ko siya, eh mahina sa Math yung character ko rito. So, ayun, sobrang awkward ng first meeting nila, kasi Math professor na ngayon ng character ko iyong ex-boyfriend niya,” kuwento pa ng dating child star na sumikat sa sitcom na Daddy DidoDu ni Vic Sotto at sa award winning movie na Magnifico bilang batang may cerebral palsy.
Bukod kina Isabelle at Neil, tampok din sa Wattpad Presents: My Ex, My Proffesor sina Matt Edwards, IC Mendoza, Brent Manzano, Alizon Andres, at Jan Stephen Noval.
ni Nonie V. Nicasio