ni Roldan Castro
NAGWAGI ng kanilang kauna-unahang Ani ng Dangal awards mula sa National Commission for Culture and Arts (NCCA) sina ABS-CBN Film Archives Head na si Leo Katigbak at aktor na si Jake Cuenca kamakailan para sa karangalang ibinigay nila sa bansa nang manalo ang mga ito ng dalawang magkaibang international awards.
Nanalo noong nakaraang taon ang film restoration project ng ABS-CBN, na pinamumunuan ni Katigbak, sa prestihiyosong Gold Quill Awards na ginanap sa Toronto, Canada. Award of Excellence ang ibinigay ng International Association of Business Communicators (IABC) ng naturang proyekto na layuning i-restore at muling ipakilala sa kasalukuyang mga manonood ang mga classic Filipino film tulad ng Himala at Oro Plata Mata at Ganito Kami Noon, Paano Kayo Ngayon. Lubos ang galak ni Katigbak sa pagkilalang ibinigay ng NCCA dahil makatutulong ito sa adbokasiyang kanilang isinusulong.
“Ang parangal na tulad nito ay nagbibigay ng spotlight ‘ika nga sa restoration. Nakatutulong ito upang makalikha ng kamalayan dahil pag-uusapan siya at mas maiintindihan din lalo na ng kabataan na ito pala ‘yung ginagawa sa restoration. Sana magkainteres sila na panoorin ang mga lumang pelikula,” paliwanag ni Katigbak.
Samantala, ginawaran naman si Jake ng Ani ng Dangal matapos siyang magwaging Best Actor sa 2014 International Film Festival Manhattan sa New York para sa kanyang pagganap sa independent film na Mulat.
Sobrang espesyal ng parangal kay Jake kaya naman sa unang pagkakataon ay inimbitahan niya ang kanyang magulang para sumama at panoorin siyang umakyat sa entablado.
“Alay ko sa mga magulang ko ang award na ito. Isa ito sa pinakamalaking parangal na natanggap ko sa buhay ko. Magsisilbi itong dagdag inspirasyon sa akin para mas husayan pa ang pag-arte. Kaya din naman ako nag-aral sa States para mag-improve at para maihandog ito sa mga tao,” sabi ni Jake.
Bukod sa natamong parangal mula sa NCCA at IABC, nanalo na rin ng Philippine Quill Awards 2013 mula sa IABC Philippines at Anvil Awards mula sa Public Relations Society of the Philippines ng film restoration project ng ABS-CBN.
Ang Ani ng Dangal Awards ay inorganisa ng NCCA na may layuning kilalanin ang mga artist na nag-uwi parangal mula sa ibang bansa.