ni Ed de Leon
NATAWAG ang aming pansin sa usapan tungkol sa mga billboard ng Bench na sinasabi nilang pabor sa same-sex relationship. Hindi maliwanag sa amin kung isang “order” o isang “advise” lamang ang kanilang natanggap kaya pinintahan nila ng itim ang kamay niyong isa sa mga lalaki sa picture. Nakita namin ang original na picture, magka-akbay lang naman sila at siguro kung wala nga ang kicker tungkol sa same sex love, iisipin mong magkaibigan lang sila. Wala ka namang makikitang kabaklaan dahil disente naman sila. Palagay nga namin dahil sa pagkakapinta ng itim sa kamay ng isa, lalo lamang nagkaroon ng malisya ang mga makakakita eh.
Wala namang masama kung pabor sila sa same sex relationship. Sino ba ang makakapagkaila na talagang may mga bakla at tomboy sa mundo? Hindi naman masama ang maging bakla, o maging tomboy. Ang masama ay iyong pangangalunya. Maski naman tunay na lalaki at tunay na babae mayroon ding nangangalunya hindi ba?
Minsan ang mga bagay na ganyan ay kailangan din nating pag-isipan.