ni Ed de Leon
LALONG umiinit ang following ng #fallen44 sa mga taga-showbusiness. Hindi nila inalintana ang mga aksiyon kagaya ng pag-unfollow ni Kris Aquino sa ibang mga artistang kaibigan niya pero nagbigay ng opinyo na taliwas sa gusto niyang marinig.
Biglang umangat ang popularidad ni Jomari Yllana dahil sa kanyang comment na inilabas sa kanyang social networking account, na ayaw na naming ulitin pa, after all nabasa na iyon ng lahat ng tao halos at ang nakararami ay pabor sa sinabi niya.
Ngayon maging si Aiai delas Alas ay nagpapahayag ng pakiki-simpatya sa fallen44, at inamin na niya ang katotohanan na isa siya sa mga unang-unang nakiramay dahil nang malaman niyang nasa Camp Bagong Diwa na nga ang mga bangkay ng mga pinaslang na sundalo, madaling araw pa lamang ay naroon na siya para makiramay. Hindi nga lang ugali ni Aiai na kung may gagawing ganoon ay may mga kasamang photographers, TV crew at mga pralala writer.
Gumawa ng isang nakababagbag damdaming drawing si Michael V, na nagpapakita ng isang sundalong sa huling sandali ng kanyang buhay ay hawak ang cell phone na naroroon ang picture ng kanyang asawa’t anak.
Ngayon may mga kanta pang sinasabing para sa mga pinaslang na pulis. Kaya nga tama ang sinasabi ng iba na ang strategy namang ginagamit ngayon, ”if you can not convince them, confuse them”. Pinalalabas na nila ngayon ang kanilang pagsisisihan. Kaya nga lumalabong lumabas at mapanagot ang talagang may kasalanan.
Pero nagugulat kami, ang mga tao sa showbusiness ay karaniwang tahimik lamang sa mga bagay na political, pero ngayon mukhang masyado yatang maingay ang mga tao rito. Mukhang bigla silang nagising at nagmulat ng kanilang mga mata.
Kung kami ang tatanungin, magandang senyales iyan para sa showbusiness.