ni Ed de Leon
HINDI pa rin tinitigilan hanggang ngayon sa social media ang seminaristang kumanta ng responsorial psalm sa misa ng Santo Papa sa Manila Cathedral. Ang dami pang lumalabas sa TV at sa social media tungkol sa kanya. Naging front page rin siya sa isang afternoon tabloid, at buong front page ang picture niya na ang tawag pa sa kanya ay ”crush ng bayan”.
Talagang hindi lang tinalbugan, inilampaso ng seminaristang si Kenneth Ray Parsad ang pagkanta ng responsorial psalm ni Erik Santos sa final mass ng Santo Papa sa Luneta. Sinasabi pa nila, dapat daw si Parsad na lang ulit ang pinakanta sa Luneta dahil mas magaling siya, at mas mahalagang misa ang final liturgy sa Luneta.
In fairness naman, bilang isang seminarista, sanay na si Kenneth sa pagkanta ng salmo. Iyan namang si Erik ay hindi lalo na nga’t sinasabing hindi naman kasi siya Katoliko kundi Born Again. Bakit nga ba pinakanta ang hindi isang Katoliko sa misa ng Santo Papa?
Napansin namin, lately mas nagiging kritiko ang mga tao sa social media. Minsan may punto. Minsan naman ay wala.