NOONG naging opening film ng 10th Cinema One Original Film Festival ang pelikulang Esoterika: Maynila na isa sa tampok ang nirerespeto naming alagad ng sining sa katauhan ni Direk Vince Tañada, nabanggit sa amin ng award winning stage actor/director na ito na ang huli niyang pelikula. Tututok na lang daw muna siya sa teatro at posibleng magdirek ng pelikula.
Sa simula nang taon, nausisa namin nang kaunti si Direk Vince kung tuloy ba ang balak niyang pagsabak na rin sa pagdidirek ng pelikula at sinabi niyang pinaplano na raw niya ito.
Ayon kay Direk Vince na isa ring matinik na annulment lawyer, balak niyang gumawa ng bio-pic ni ex-Senator Ninoy Aquino at si Piolo Pascual ang napipisil niyang maging bida rito.
“Yes. Isang Ninoy (Aquino) biopic. I’m still dreaming of getting Piolo Pascual,” matipid na sagot sa amin ni Direk Vince.
Knowing kung gaano kamahal ni Direk Vince ang sining, I’m sure na isa na namang noteworthy project ito. Kung ang Araneta Coliseum ay kayang punuin ng Philippine Stagers Foundation o PSF, sigurado ako na capable si Direk Vince na makapag-direk ng pelikulang makabuluhan na mag-iiwan ng aral sa kamalayan ng marami, lalo na ng mga kabataang Pinoy.
Naaalala ko pa ang sinabi ni Direk Vince noong Christmas party ng PSF. “Tayo pong mga alagad ng sining ay kailangang mabuhay ng may kasarinlan. At tayo po ay gagawa ng ating sining at ng pagmamahal sa ating sining na hindi didiktahan ng ninoman.”
Anyway, sana ay matuloy ito very-very soon. Or kung hindi pa available si Piolo, sana ay ibang project muna ang pag-isipan ni Direk Vince.
Sa ngayon, habang niluluto pa lang ang first directorial job sa pelikula ni Direk Vince, hindi dapat palagpasin ang mga production ng PSF tulad ng Filipinas 1941, Isang Dulayawit na mapapanood sa lahat ng Saturdays at Sundays sa Cinema 9 ng SM North EDSA sa buwan ng January, February at March.
Nakatakdang magtanghal din ang PSF sa Iloilo, Nueva Ecija, Laoag, Ilocos Norte, Ilocos Sur, Bataan sa February, at sa Zamboanga City sa March.
Incidentally, gusto kong samantalahin ang pagkakataon para pasalamatan si Direk Vince sa pag-imbita sa amin sa napakasayang Christmas party ng PSF. Pati na kay katotong Robert Silverio at Direk Ronald Carballo na naging partner ko sa game sa naturang Christmas party ng PSF.
Salamat din sa mga Stagers sa pag-estima sa amin, lalo na kina Jomar Bautista, Chris Lim, Patrick Libao, JP Lopez, at iba pa.
MOJACK, WISH MAGKAROON NG TALENT AGENCY
BIRTHDAY ng magaling na comedian/singer na si Mojack last January 4 at nang makahuntahan namin siya ay nabanggit niyang isa sa birthday wish niya ay ang magkaron ng sariling talent agency.
“Gusto ko pong magkaroon ng sariling talent agency para bigyan ng break at pasikatin ang mga talented na kababayan natin,” saad ni Mojack.
Nais daw kasi ni Mojack na makatulong sa pagbibigay ng break, lalo na sa mga talented talaga. Ngayong kaarawan niya, gusto rin daw niyang mapuntahan ang kanyang mga tinutulungan na hindi niya nagagawa lately dahil sa sobrang busy siya.
Isa pa raw sa wish niya ay magkaroon ng mga kabigan at fans na positibo lagi ang pananaw sa buhay at walang yabang sa katawan.
Sa ngayon, bukod sa kanyang radio program sa Brigada News FM 104.7 ay kaliwa’t kanan ang shows ni Mojack. Sa January 11 ay nasa Boracay siya at sa January 15 or 16 ay nasa Cebu siya ulit para sa Sinulog Festival.
Happy birthday sa iyo Mojack at more power!
ni Nonie V. Nicasio