Matatandaang si Joven ang composer ng Anong Nangyari Sa Ating Dalawa na kinanta ni Aiza Seguerra noong nakaraang taon at malaking hamon nga naman ito sa isang baguhang singer tulad ni Michael na muling ipanalo ang gawa ng nasabing kompositor.
At mas lalo pang na-pressure pero proud si Michael dahil si ABS-CBN President, Ms Charo Santos-Concio ang pumili sa kanya na maging interpreter dahil madalas daw marinig ng TV executive ang boses nito na pinapatugtog sa MOR 101 kaya naman natuwa ang binatang singer.
Hindi na binanggit sa amin kung sino ang dalawang kilalang singers na tinalo ni Michael, basta ang sabi niya, “sobrang nakatutuwa po at ako ang napili, pero siyempre kabado as in.”
“Sobrang challenge po sa akin kasi last year, si Aiza Seguerra ang nag-champion sa kantang ‘Anong Nangyari sa Ating Dalawa’ na si Tito Joven din po ang sumulat ng kanta, so kumbaga, ang laki ng expectations po, ‘di ba?” pag-amin ni Michael.
Ito rin ang unang pagkakataong tutuntong ng Smart Araneta Coliseum si Michael kaya talagang lulang-lula siya, “sana po sa susunod na tuntong ko, concert ko na,” masayang sabi ng binata.
Oo nga, bubot lang si Michael kung ikukompara kay Aiza lalo na ngayon dahil ang makakalaban niya sa Himig Handog P-Pop Love songs ay sina Daniel Padilla, KZ Tandingan, (X-Factor winner), Angeline Quinto at iba pang sikat na singers.
“Gagawin ko lang po ang best ko, at hindi naman po ako nag-expect, pero sana nga po makalusot,” ito ang pahayag ni Michael.
Bale ba may iba ring problemsa si Michael dahil maysakit ang pinakamamahal niyang lola at siya ang paboritong apo na gustong nasa tabi siya parati kaya hati ang atensiyon niya.
At bilang advance promo na rin ng Pare, Mahal Mo Raw Ako ay may show siya bukas, Agosto 28 sa Promenade Greenhills with guests Sam Milby, Prima Diva Billy, at Rochelle Pangilinan produced ng Front Desk Entertainment na sponsored naman ng Hannah’s Beach Resort, Joel Cruz Signatures, Sutla Flawless Whitening Products, Isabela Governor Bojie Dy, Quezon Governor, Jayjay Suarez at Quadro.
PARE, MAHAL MO RAW AKO, ‘DI LANG PAMBADING NA KANTA
NAKAUSAP din namin ang composer na si Joven Tan at pabor siya na si Michael Pangilinan ang napili ng Star Records at ni ABS-CBN President Charo Santos-Concio na mag-interpret ng Pare, Mahal Mo Raw Ako sa Himig Handog P-Pop Love Songs 2014.
Anya, “hindi naman ako nag-expect na manalo, kung hindi okay lang, walang pressure kasi iba naman si Aiza (Seguerra) kay Michael. Walang kaso, okay na ako na napasama ang ‘Pare, Mahal Mo Raw Ako’ sa P-Pop.”
Mahigit sa isang 100 na pala ang nasulat na kanta ni Joven at ang ilan ay kinanta nina Ogie Alcasid na hindi nag-hit, ang carrier single ni Lovi Poe na Kung Puwede Lang, Ang carrier song din ng Voice Boys na kinabibilangan ni Tom Rodriguez na nag-hit din at ‘yung nasa album daw ni Angeline Quinto na Higher Ground ngayon, Ako Na Lang.
“Hindi naman kasi ako nag-iingay, kapag hiningan, nagbibigay ako, hindi naman ako nag-aalok,” say ni Joven.
At dahil lalaki ang kakanta ng Pare, Mahal Mo Raw Ako ay inisip naming kanta ito ng mga bading, “ay hindi naman, para sa lahat, puwedeng sa babae na nagtatanong sa lalaki. Puwede sa lahat, kasi love songs siya na first time na hindi novelty. Kasi ‘yung iba katawa-tawa like ‘This Guy Is In Love With You, Pare’. So This time, solid love song lang,” paliwanag ni Joven.
Isa ring film director si Joven at aminado siyang mas less pressure ang pagsusulat ng kanta dahil in less than 10 minutes ay nakatatapos siya ng kanta at sa traffic pa niya ito nagagawa.
“Yung ‘Anong Nangyari Sa Ating Dalawa’, 10 minutes sa traffic ko lang ginawa. Kaya lagi akong may dalang tape recorder kasi kinakanta-kanta ko, pati tono. Hindi ako marunong sa anumang musical instruments kaya mayron akong arranger.
“More on love songs ako, bitterness, kasi ‘yun ‘yung madaling sulatin, alam mo naman mga Pinoy.
“Sa pagdidirehe kasi, ang laki ng expectations kung kikita o hindi, eh lalo na kung maliit ang budget, so adjust-adjust. Ganoon din sa script kapag maliit ang budget ng producer, adjust din. Unlike sa kanta, all out, eh,” kuwento ni Joven.
Malaki raw ang kita kapag nag-hit, kasi may royalty bukod pa kapag naging OST sa pelikula o kinuha sa pelikula, at maganda raw talaga ang maging composer kasi life time ang royalty na puwede pang ipasa sa mga anak o pamilya.
“Basta lahat ng puwedeng pagkakitaan, go ako, mahirap ang buhay ngayon, lam mo na,” nakangiting sabi ng dati naming patnugot sa GASI Publication.
At ang dream singer daw niyang kumanta ng mga kanta niya bukod kina Ogie at Angeline ay sina Martin Nievera, “sana, soon, sana,” saad ni Joven.
“Si Regine (Velasquez) din sana,” dagdag pa.
Challenge raw kay Joven na kantahin ng isang singer na hindi na sikat ang kanta niya at maghi-hit itong bigla, “okay ‘yun kasi makatutulong ako, pero challenging nga.”
Sino-sino ang mga singer na ito, “ha, ha, para ko na ring binanggit na hindi na sila sikat, ikaw talaga,” natawang sagot sa amin.
“Basta, anyone na hindi na active or bago or sino, pumapatol ako sa ganoon na anyone na pumunta na magsabing igawa ko siya ng kanta, okay na ako roon,” sabi pa ni Joven.
Kaya sa darating na Setyembre 28 Ateng Maricris, watch tayo ng Himig Handog P-Pop Love Songs sa Araneta Coliseum.
ni Reggee Bonoan