“EVERYDAY regalo! Actually ang pinakamagandang regalong ibinibigay sa akin ni Robin (Padilla) was his time kasi sobra na siyang magiging busy with ‘Bonifacio’ (movie), with ‘Talentadong Pinoy’.
“Kaya nagpapasalamat talaga ako kahapon (Agosto 10) binakante talaga niya (Robin) ang sarili niya kaya nakapag-date pa kami,” ito ang masayang kuwento ni Mariel Rodriguez nang kumustahin namin kung paano niya isinilebreyt ang 30th year niya noong Linggo kasama ang asawa.
Hindi na raw uso sa kanila ang pagbibigay ng materyal na bagay dahil inilalaan na lang nila ito sa mga nangangailangan.
“Hindi naman siya material girl,” sundot ni Robin.
Sa Agosto 19 naman ise-celebrate ng mag-asawa ang ika-apat na taong anibersaryo ng kasal nila sa India kaya masaya sina Mariel at Robin dahil umabot sila sa apat na taon.
‘DI TOTOONG BADBOY, MATULUNGIN TALAGA!
Kaya natanong si Mrs. Mariel Padilla kung paano niya natagalan ang ugali ni Robin na ang imahe ay bad boy.
“Mabait si Robin, hindi ko nga alam kung bakit siya bad boy, sa totoo lang mabait siya talaga.
“Akala kasi nila sa TV lang mabait si Robin, pero mabait siya talaga, sa tuwing may madadaanan (kalsada) kami kunwari may makikita siyang matanda na naglalako, imposibleng hindi niya bigyan on a regular basis. Hindi kailangan ng maraming taong makakita para gawin niya ‘yun.
“Ganoon siya talaga, nakita ko naman ‘yung sincerity niyang iyon sa ‘Wowowee’ kaya ko nga siya nagustuhan kasi iba ‘to ha, sincere to ha, kaya ganoon siya talaga,” kuwento ni Mariel.
At dahil sa pagiging matulungin ng aktor noon pang binata siya ay marami ng nag-aalok sa kanyang pasukin ang politika, pero hindi ito tinatanggap ni Binoe dahil katwiran niya ay nakatutulong naman siya maski wala sa politika.
Bagay na ayaw din palang mangyari ni Mariel, “ayaw namin ‘yan, siya mismo ayaw niya at nagpapasalamat ako na ayaw niya (Robin), kasi hindi ko keri mga ganap, ayokong maging politician’s wife,” katwiran ng TV host.
TF SA TALENTADONG PINOY, ‘DI ALAM
Samantala, tinanong namin si Mariel kung sinamahan niya ang asawang matulog kasama ang TP contestants base na rin sa kuwento ni TV5 executive, Ms. Wilma Galvante.
“Ay hindi, umuwi ako, sabi ko, puwede akong umuwi? Kasi siyempre siya okay matulog sa couch, gusto ko namang matulog ng komportable para paggising ko, maayos naman, ‘di ba,” kuwento ni Mrs. Padilla.
Sa kabilang banda, inamin ni Mariel na hindi niya alam kung magkano ang talent fee ni Binoe sa Talentadong Pinoy kasi hindi raw sila nagtatanungan at wala silang pakialamanan.
“Pera niya at pera ko, walang tanungan. Eversince ganoon kami, hindi namin pinakikialaman ang isa’t isa.
“Kasi may mga anak si Robin so inisip ko para sa kanila ‘yun tapos may foundation pa siya, nagpapatayo siya ng bahay para sa mga kapatid niyang Muslim kaya as in walang natitira sa kanya.
“Pero noong nawalan ako ng work, ganoon pala ang feeling kasi para rin akong may suweldo kasi binibigyan niya ako, kaya sinasarapan ko lalo ang luto ko, kasi baka magalit si sir (Robin),” birong sabi ni Mariel.
ORGANIC FOOD ANG LAHAT NG IPINAKAKAIN
Inamin ni Mariel na noong dalaga pa siya ay wala siyang alam na luto kundi scrambled egg at kapag nag-asawa ka na pala ay matututuhan lahat.
“Talagang pangarap ko lang talaga ay maging housewife, tapos ihatid at sunduin ang mga anak sa school o sa soccer games nila, ganoon lang.
“At mahirap pala kasi you’re managing the house, it’s totally different life for me, roon ko natutuhan magluto at dahil everyday ginagawa ko siya, so natutuhan ko talaga.
“Ang mga favorite ni Robin, bulalo, adobo, hindi kasi nakikita ang juicing,” masayang kuwento ni Mariel.
At lahat daw ng niluluto niya ay organic mula sa mga pananim niya sa bakuran tulad ng okra, talong, carrots, mint, pandan, kamatis, sibuyas, kalamansi, “ang sarap kasi roon ko na kinukuha lahat, masarap ang may farm, pero maliit lang ‘yung sa amin. Kailan nga lang hinagard siya ni Glenda (bagyo), kaya hayun,” say pa ni Mariel.
Ang mga karne naman ay may binibilhan siyang organic din kaya healthy food daw lahat ang inihahain niya sa asawa niya.
Pagyayabang naman ng aktor, “hindi na nga ako sanay kumain ng hindi luto ni Mariel. At ipinagbabaon niya ako, iniyayabang ko iyon sa shooting/tapings ko na ‘eto luto ng asawa ko’ ang sarap. Gustong-gusto ko ang adobong baka niya kasi nahihiwalay sa buto, sobrang lambot at bulalo rin niya, sobrang sarap.”
Ayon kay Mariel bagamat nagagampanan niya ang pagiging maybahay ni Robin ay binigyan niya ng 7 ang grado niya, “hindi naman perfect 10, eh.”
Pero para kay Binoe, “ay 10 si Mariel, perfect talaga!”
TALENTO NG PINOY, DAPAT PAGYAMANIN
Hindi naman naniniwala sa ghost month ang TV5 dahil sa Sabado (Agosto 16) na ang airing ng Talentadong Pinoy ng mag-asawa kasama si Tuesday Vargas.
Sa ginanap na grand presscon ng Talentadong Pinoy noong Lunes ng gabi sa Annabels Restaurant ay inamin ni Robin na kaya niya tinanggap ang talent show ng TV5 ay dahil katapat daw ito ng dati niyang programa sa kabilang network.
“Magiging honest ako, katapat kasi ito ng dati kong show kaya hindi ko ito pinanonood. Kaya noong inalok sa akin ito, sabi ko kay ma’am (Wilma V. Galvante), patingin nga po ng mga dating episodes, eh, natuwa ako. Tuwang-tuwa ako lalo na sa mga sirkero, eh, siguro naman lahat ng tao, lalo na noong mga bata tayo ay naaliw tayo sa kababayan nating may ipinakikitang kakaibang talento.
“Kaya pagkaraan lang ng ilang araw, sinabihan ko na kaagad si Ms Betchay (Vidanes), ‘yung aking manager, sabi ko, kontakin mo na si ma’am Wilma kasi dapat makita pa ng mga tao ito, dapat po huwag maputol kasi iba talaga ang talentong Filipino, iba po talaga.
“Isa po ito sa mga kayamanan nating dapat pagyamanin at dapat suportahan at siyempre, isa pang bonus doon, noong kinausap ako ni ma’am Wilma, kaakibat si Mariel, parang nami-miss ko ‘yung panahon sa ‘Wowowee’ (ABS-CBN), gusto kong maibalik ‘yung ganoong samahan kaya minahal ko na talaga ang ‘Talentadong Pinoy’. Doon pa lang, inumpisahan ko ng mahalin ang ‘Talentadong Pinoy’,” buong kuwento ng aktor.
HINDI SILA PACKAGE DEAL
Klinaro ni Robin na hindi raw sila package deal ng asawang si Mariel dahil ang mismong TV5 executive na si Ms Wilma ang nagsabing kasama ang misis niya sa TP base na rin sa kagustuhan ng presidente ng TV5 na si Mr. Noel Lorenzana.
Say pa ni Robin na sina Mariel at Tuesday daw talaga ang host, “ibibigay ko po kina Mariel at Tuesday. Energy lang po ang sagot ko, ‘yun ang maipapangako ko at sa Kapatid Network at sa staff, sa aming direktor. Talagang 100 porsiyento ‘yun mula umpisa hanggang katapusan at ‘yung pagmamahal ko sa mga ‘Talentadong Pinoy’ (contestants) ay talagang galing sa puso ko ‘yun, hindi lang sa trabaho, talagang sinusuportahan ko sila.”
Tagapagtanggol si Robin ng mga talunang contestant ng TP, “ako ang kanilang lawyer kaya lagi akong ‘I object’. Parang corny po talaga kapag in-object ko ang kanilang sinasabi, kasi pupunta ako sa jury at hihingi ako ng pagkakataon sa jury, si Mariel ang referee sa akin sa judge, kasi puwedeng mag-away kami ng judge, eh. Si Tuesday naman, hawak niya ang crowd, kapag sinenyahan ko ang crowd na ‘wag iboto ‘yan, ha, ha, ha.”
Kuwento rin ni Ms Wilma, “malapit si Robin sa tao, mula nang mag-set up sa studio, ‘di ba matagal ‘yan, nagtaping kami ng Friday. Lunes pa lang nagse-set up na, nandoon na siya (Robin), araw-araw, kasi gusto niyang kilalanin ang tao, lahat inoobserbahan niya, pati stage.
“’Yung rehearsal nga natatakot kami kasi gabing-gabi na, hindi umuwi at doon na raw siya matutulog kasi gusto raw niyang mag-almusal kasama ang contestant kaya ganoon ang ginawa niya, kinilala niya. May ganoong personal touch at nakita ko ‘yun sa kanya (Binoe).”
TELESERYE, ‘DI PUWEDENG GAWIN SA TV5
Nabanggit naman ni Binoe na per program contract daw siya sa TV5 at nagpaalam daw siya sa ABS-CBN.
“Okay naman kami ng ABS-CBN, at saka talent show naman ito, hindi naman teleserye kasi kung teleserye ito, hindi puwede, kasi maraming teleseryeng in-offer sa akin ang ABS at hindi sila nagkulang kaya hindi ako puwedeng gumawa ng teleserye sa TV5,” kuwento ni Binoe.
ni Reggee Bonoan