ni Reggee Bonoan
IKINUWENTO mismo sa amin ng staff ng isang TV network na kaya pala hindi gumagamit ng ‘po at opo’ ang ibang artista nila at handler kapag kausap ang ibang tao ay dahil turo pala iyon ng nagma-manage sa kanila.
Nakatsikahan kasi namin ang staff ng network tungkol sa mga artistang malalaki na ang ulo ngayon na naka-isang hit lang ng pelikula ay akala mo super sikat na. Nabanggit din namin na minsan ay kasalanan din ng handlers ng mga artista kasi tino-tolerate sila at binibilinan kung sino lang ang papansining entertainment press.
Nagulat kami sa paliwanag sa amin ng staff, ”oo, ganoon talaga sila (artista/handlers) kasi turo ‘yun sa kanila ni (pangalan ng bossing) na huwag silang igalang o gumamit ng po at opo. Hindi ko rin gets bakit ganoon ang turo, eh. Basta dapat may dating na.”
Susme, eh, ‘di tinuturuan ng bossing nila na maging bastos at walang galang ang mga artista nila?
“Basta ganoon ang kultura nila, hindi puwedeng gumamit ng po at opo kaya pansinin mo, karamihan sa mga artista ng (network) walang gumagamit, though may iba pa rin hindi naiiwasang gumamit ng po at opo, pero the rest, parang kaedad lang nila ang kausap nila,” kuwento pa sa amin.
Mabuti na lang itong mga katsika naming artista ay magagalang pa rin at gumagamit ng po at opo lalo na itong super-sikat na aktor at actress dahil magulang nila mismo ang nagpapa-alala na matuto silang gumalang sa mga kausap.
Kaya binabati namin ang mga magulang/manager na may mga anak/talent na magagalang dahil sa kanila nagre-reflect ang papuri ng tao.
Going back sa kausap naming staff, ”kaya hindi rin ako nakatagal, mahirap silang katrabaho.”
Pansin din natin, ‘di ba ateng Maricris? Alam mo na! (Aysus, kaya pala—ED)