ANG gumuhong pader ng bodega ng LG Atkimson Inc. na ikinamatay ng dalawang biktima makaraan matabunan kamakalawa ng gabi sa Malasimbo St. malapit sa kanto ng Aloi St., Brgy, Masambong, San Francisco del Monte, Quezon City. (ALEX MENDOZA)
PATAY ang dalawa katao makaraang madaganan ng gumuhong pader ng inire-renovate na warehouse sa Quezon City, kamakalawa ng gabi.
Sa ulat ng Quezon City Police District (QCPD) Masambong Police Station 2, kinilala ang mga namatay na sina Ruben Leuterio, 22, jeepney driver, at Norma Magada, 44, kapwa residente ng 195 Akle, San Ildefonso, Bulacan,
Sa imbestigasyon, dakong 8:40 p.m. makaraang umulan, gumuho ang isang bahagi ng pader ng ginagawang gusali ng bodega sa Malasimbo St., Brgy. Masambong.
Kasamang nadaganan ng pader ang anim na pampasaherong jeep habang nasa loob ng isa si Magada. Nakuha rin ang bangkay ng driver na si Leuterio na natabunan na ng mga guho.
Salaysay ng asawa ni Magada na si Reynaldo, dakong 8:30 p.m. nitong Lunes biglang gumalaw at gumuho ang pader matapos umambon at humangin.
Mabilis nagresponde at nagsagawa ng rescue operation ang QC Fire Department.
Nang makuha ang katawan ng dalawang biktima agad isinugod sa ospital pero hindi na umabot nang buhay.
Kaugnay nito, ipinag-utos ni QC Mayor Herbert Bautista kay QC Fire Marshal, Supt. Fernandez na imbestigahan ang L.G. Atkinson. (Almar Danguilan)