ni Reggee Bonoan
PUWEDE na uling magpakasal si Kris Aquino dahil nakuha na niya ang certificate of no marriage mula sa National Statistics Office (NSO).
Ito ang ibinalita ng TV host/actress sa programa niyang Kris TV kahapon.
Kuwento ni Kris, “when you go to NSO you will get this cenomar, certificate of no marriage.
“For it to be valid itse-check mo. Akala ng maraming tao once nagpa-annul ka, annulled ka na but it has to go through talaga. Pupunta ka roon sa registrar kung saan ka nagpakasal, kung saan ka nagpa-annul may mga tatatak diyan at kailangan the judge will also sign, lalo na if you had property settlement. Tapos after all that natatakan ‘yan at napirmahan ng lahat, doon mo pa lang ipapadala sa NSO.
“So imagine, I was annulled two-and-a-half-years halos, pero nabuo lahat ng papeles, nito lang. So ito siya, si certificate of no marriage. So ‘yan na ‘yan talaga.
“For all those people, they should be aware of that. Kasi if you don’t have this from the NSO, technically if ever the time comes na you want to be married, tapos hindi mo ito inasikaso, it can delay all your plans for up to six months. So ang message ko lang sa inyo is be very sure before you get married.”
Pero nang tanungin ng guest co-host ni Kris na si Erich Gonzages kung gusto pa uli niyang magpakasal ay, “hindi na siguro.”
“But I went to this geomancer, if I do decide na magpapakasal, after my birthday nitong 2015 hanggang mamatay na raw ako, basta kailangan after kung sino man siya. Sabi ko, ‘Ayaw ko ng mahiwalay ulit.’ Sinabi, ‘ito yung forever.”
The Buzz, ‘di totoong hiningi ni Kris
Samantala, klinaro ni Kris sa amin na hiningi niya ang The Buzz kaya siya ibinalik, “tita Cory (Vidanes) and Deo (Endrinal) spoke with me,” mensahe niya sa amin.
Kumalat kasi sa social media na hiniling daw ng TV host na ibalik ang tambalan nila ni Boy Abunda sa The Buzz.
Tanda namin ng tinanong si Kris tungkol sa pagbabalik ng The Buzz at kasama siya ay sinagot kami ng ‘no comment’ dahil kinakausap pa pala siya ng mga bossing ng ABS-CBN dahil nga araw ng Linggo iyon at supposedly family day nila ng mga anak.
Kaya lang naman kasi umalis si Kris noon sa The Buzz ay dahil nag-away sila ng ex-husband niyang si James Yap at gusto rin niyang bigyan ng panahon ang mga anak.
Maraming nanghinayang ng mawala si Kris sa The Buzz kasi nga hinahanap nila ang pagkataklesa nito tungkol sa mga bagay-bagay na pinag-uusapan nila ni Kuya Boy.
At nang ipalit sina Toni Gonzaga at Charlene Gonzales-Muhlach ay medyo nanibago ang loyal vierwers ng The Buzz pero sa katagalan ay nagustuhan na rin dahil nga nag-blend naman ang dalawang female hosts ni Kuya Boy.
Komento ng ilang katoto na type nila si Charlene kapag nag-iinterbyu sa mga celebrity guest, “may puso kasing ina si Charlene, lalo na sa mga nanay, bilang nanay ha, opinyon ko ‘yun.”
Si Toni naman, “si Toni kasi more tsika, eh,” kaswal na sabi sa amin.
At nawala na rin sina Toni at Charlene dahil hindi rin gaano sumisipa sa ratings game kaya’t pinalitan ito at naging Buzz ng Bayan kasabay ng pagpapalit din ng bagong hosts na sina Janice de Belen at Carmina Villaroel with Kuya Boy pa rin.
Hindi pa rin maganda ang feedback ng Buzz ng Bayan kaya ang ending, tsinugi na rin ito at ibinalik ang The Buzz with Boy, Toni, at Kris.
Katwiran sa amin ng taga-The Buzz, “aminin man natin o hindi inaabangan talaga ng tao ang lola (Kris) mo, kesehodang puro nega siya at kung ano-anong pinagsasabi, still inaabangan siya at aminin mo, maraming endorsements, maraming bago, maraming nagre-renew.
“Meaning maraming nanonood sa kanya kasi roon naman ibabase ng mga advertiser na maraming may gusto kay Kris bago siya kuning endorser, ‘di ba? Kita mo nga, isang banggit lang niya sa produkto, marami ng bumibili.
“Reggee, this is business, so ganoon talaga sa telebisyon, maski na nega ka sa ibang tao kung mas maraming nanonood at kumikita ang show, bakit mo papansinin ang iilang nagne-nega?”
Tama naman din.