ni Reggee Bonoan
KINOMPISKA ng mga ahente ng Optical Media Board ang mga nagtitinda ng piratang dvd sa may Cubao, Quezon City noong Mayo 8 at limas lahat ang mga paninda.Pero ang nakapagtataka ay hindi lahat inilagay ng OMB agent sa inspection order report niya ang mga nasamsam na piratang dvd kundi ½ sack lang ayon mismo sa mga nagtitinda na ipinakita rin sa akin ang papel na may pirma ng agent at ni OMB Chairman Ronald ‘Ronnie’ Ricketts.
Kuwento sa amin ng ilang tindera ng DVD na sa tuwing ire-raid daw sila ng mga tauhan ng OMB, “limas po lahat ng tinda namin, tapos ang ilalagay nila sa inspection order paper, kalahati lang (1/2) po, eh, ubos naman lahat ‘yung dvd namin.
”Minsan naman, hindi sila nagbibigay ng papel (inspection order report) kapag nang-raid po sila, lahat kaming nakapuwesto, kukunan kami lahat ng paninda pero walang ibibigay na papel. Kaya minsan, hinihingi namin talaga at saka lang magbibigay.
”Iba-iba ‘yung nangri-raid sa amin, mabait ‘yung medyo kalbo (tauhan) kasi lahat nakalista at mabait makipag-usap.”
Actually Ateng Maricris pinagsabihan namin ang mga tindera dahil alam naman nilang bawal ang pagtitinda ng mga piratang DVD pero hindi pa rin sila nadadala.
“Kasi po wala kaming trabaho, mas ok na siguro magtinda ng pirated kaysa magnakaw kami o magpagala-gala at manglimos,” katwiran naman sa amin.
Sabi namin na mag-iba na lang sila ng paninda tulad ng pagkain at kung ano-ano pa, huwag lang piratang dvds, “eh, mam, hindi po lahat nabebenta ang pagkain at masisira pa, kompara sa dvd, hindi nasisira o nabubulok,” katwiran ulit sa amin.
Kaunting trivia lang na nasubukan na naming sumama ng maraming beses sa pangungumpiska ng mga piratang dvd noong si Edu Manzano pa ang nakaupo bilang OMB Chairman at talagang mahigpit ang TV host/actor dahil lahat pinapa-surrender niya at nakikita naming naka-report lahat at saka sinusunog o kaya pinagugulungan sa pison.