ni Reggee Bonoan
HANDANG-HANDA na ang mga taga-Laguna sa gaganaping 57th Palarong Pambansa 2014 na magsisimula sa Lunes sa 19 hectare Laguna Sports Complex sa Sta. Cruz, Laguna.
Nagsimula ang event kagabi sa Governor’s night na ginanap sa multi-purpose ng Sport complex at bukas naman gaganapin ang marathon sa ganap na 5:00 a.m., land float parade ng 9:00 a.m., Ribbon Cutting Ceremony ng Trade Fair Booth competition sa ganap na 10:00 a.m. at starts ng games bandang 2:00 p.m..
Magsisimula naman ang parada ng mga atleta ng 6:00 a.m. sa Lunes sa Laguna Sports Complex Oval at opening of ceremony ng 7:30a.m..
Star-studded ang mga panauhin ni Governor ER na kilala sa larangan ng palakasan ang magbubukas bilang hudyat sa ika-57 Palarong Pambansa tulad nina Sochi Winter Olympian Michael Martinez na ipapasa ang torch kay Enchong Dee (2005 Sea Games at 2006 Asian games participant) at ipapasa kay PBA MVP James Yap na ipapasa sa anak ni Gov. ER na si Jericho Ejercito (La Salle Athletic team captain), at si Pambansang Kamao Manny Pacquiao naman ang magsisindi nito.
Darating din ang dating Presidente ng Pilipinas na ngayon ay Mayor na ng Maynila, si Ginoong Joseph Estrada.
Sa nakaraang presscon sa SM City Calamba noong Miyerkoles ay nabanggit ni Governor ER na matagal na niyang pangarap na ganapin din sa Laguna ang Palarong Pambansa kaya niya pinaganda nang husto ang nasabing bayan para na rin maka-attract ng turista na nasa number 3 destination na raw ngayon sa Pilipinas.
Katunayan, ang La Laguna Festival ang recipient ng Hall of Fame Awards sa Best Tourism na ibinigay ng Association of Tourism Officers of the Philippines at Department of Tourism sa loob ng magkakasunod na tatlong taon, 2011-2013.
Lalahok ang halos 11,200 na manlalaro at may 1,200 technical officials ns binubuo ng 37 schools at may mga libreng titirhan.
Ang nasabing Laguna Sports Complex ay may free wifi access, air-conditioned basketball gym na kayang maka-upo ng 2,500 katao, Olympic size swimming pool with 700 seating capacity at iba pa.
Sa kabilang banda, bubuuin naman ng 27 sports events ang naturang Palarong Pambansa tulad ng Archery, Arnis, Athletics, Badminton, Baseball, Basketball, Boxing, Chess, Football, Gymnastics, Softball, Sepak Swimming, Table Tennis, Taekwondo, Tennis, Volleyball, boys n girls both elem and sec, 4 demonstrations tulad ng Billiard, Futsal, Wushu at Wrestling at 2 special games na Bocce at Goatball.
Hindi naman nawawala ang magandang ngiti kay Governor ER dahil nakikinita na na niya na magiging successful at hindi malilimutan ang gaganaping Palarong Pambansa sa lalawigan ng Laguna mula sa pamumuno niya.
Magsisilbing hosts naman sina TV Patrol showbiz correspondent at 2006 Miss Earth (Ms Philippine Air), 2007 Miss Tourism Queen International, Ginger Conejero at Teng Brothers na sina Jeric at Jeron.