ni Reggee Bonoan
ALIW na aliw kami talaga sa pagka-taklesa ni Binibining Joyce Bernal kaya naman sa tuwing presscon na kasama siya ay target namin siyang interbyuhin dahil sa totoo lang Ateng Maricris, masarap siyang ka-tsikahan.
Marami kaming nalalamang tsika na hindi namin alam kung pang-off the record o hindi kasi hindi rin naman siya nagsasabing, ‘huwag naming isulat.’
Katulad sa pocket presscon ng Da Possessed noong Martes ay nabanggit niyang magaling talagang komedyante si Vhong Navarro dahil mabilis daw ang timing at nagsasalita palang siya ay natatawa na silang lahat sa set.
Naikuwento rin ni direk Joyce na noong si Xian Lim daw ang nag-joke, walang natawa at noong si Vhong daw ang nagsabi ng kaparehong joke ay nagkatawanan silang lahat sa set.
Kaya naman pagkatapos ng pocket presscon ng Da Possessed ay talagang inantabayanan namin si binibining Joyce para masolo at i-follow-up kung ano ‘yung binabanggit niya tungkol kay Xian.
“Ganito kasi, si Xian noong nagre-reading kami before sa set ng ‘Bakit Hindi Ka Crush ng Crush Mo’, nagpapatawa siya (Xian), eh, hindi kami natatawa.
“Tapos, magsi-share ulit siya ng joke, ‘yun pa rin ‘yung joke niya hindi pa rin kami natatawa hanggang sa tapos na ‘yung pelikula namin, nagtawanan na kami kasi naawa na kami sa kanya.
“‘Yung writer namin dito (‘Da Possessed’), kasama namin sa ‘Bakit Hindi Ka Crush ng Crush Mo’, ginamit niya ‘yung joke ni Xian Lim dito, unang bitaw palang ni Vhong, pasok! Tumawa talaga ‘yung mga tao kaya ang galing talaga ni Vhong,” kaswal na kuwento ni Joyce.
Sabi namin na kulang pa si Xian sa pag-arte at pagpapatawa?
“Marunong naman umarte si Xian, hindi lang magaling, wala siyang humor. Sa mga drama kasi siya at sa cuteness. Doon siya magaling, sa cuteness niya,” nakangiting sabi sa amin.
Pero in fairness ateng Maricris, gusto uling makatrabaho ni direk Joyce si Xian, katunayan, siya ang magdidirehe ng next movie project nila ni Kim Chiu babasahin daw niya ang script pagkatapos ng Da Possessed ni Vhong na ipalalabas na sa Abril 19.
Bilib kami kay direk Joyce kasi maski hindi gaanong magaling magpatawa ang artista, nagagawa niyang maging komedyante’t komedyana.
Samantala, tinanong namin kung anong TV project ni direk Joyce ngayon dahil tapos na ang Paraiso’y Ikaw na ayon na rin sa kanya ay hindi nag-rate.
“Mayroon na sa GMA, hindi ko palang alam kasi busy nga ako rito sa ‘Da Possessed’, grabe araw-araw kami nagso-shooting kaya ngarag kaming lahat. Hindi pa ako tapos mag-edit, “ sabi sa amin.
Bakit puro GMA ang tinatanggap niyang project? Eh, karamihan sa mga programa nila ay hindi naman nagri-rate ayon din sa ibang taga-Siete.
“Gusto ko ‘yun,” mabilis na sagot sa amin.
Nagulat kami dahil sa lahat naman ng direktor ay namumukod tanging si direk Joyce lang ang ayaw na nagri-rate ang shows?
“Hindi naman gusto ko lang ng chill, ayoko ng masyadong patayan, gusto kong mag-rate siyempre, basta chill lang,” katwiran pa.
May mga show na bang nag-rate si direk Joyce?
“’Yung una ko lang, ‘Marimar’, ‘Dyesebel’, nag-‘Stairway’ din tapos lumipat ako ng TV5, ‘di ba?
“Kasi noong nagri-rate na sila (GMA), lumipat na ako ng TV5, gusto ko lang ng chill, ayoko na ng kompetisyon. Naniniwala ako sa ratings, pero ayoko lang ng pakikipag-patayan for that.
“Kasi siguro matanda na ako? Kung gusto ko ang isang proyekto, gusto ko siyang pagandahin the way sa pagkaka-intindi ko sa pelikula.
“Sa soap drama kasi, idi-dictate na ng audience kung anong gagawin mo, pababaitin mo bigla ‘yung ano (kontrabida),” katwiran sa amin.
Usong-uso naman ngayon ang trending sa social media na ibig sabihin ay pinanonood talaga dahil itini-tweet ang mga eksenang napapanood at kung ano-ano pa.
Pero hindi pala naniniwala si direk Joyce sa trending-trending.
“Mas ratings kasi ako, kasi sa trending hindi ko alam ‘yun. Sa ratings mas scientific, hindi naman ‘yun parang hula-hula lang.
“Hindi ko na edad ‘yang twitter, trending, luma na ako, eh. Wala nga akong facebook, twitter, instagram ko nga, hindi ko na nabibisita,” diretsong sabi sa amin.