HINAMON ng Malacañang ang madreng nagbulgar ng sinasabing “cash-for-testimony” raket ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Dinky Soliman para pabanguhin ang imahe ng DSWD sa Yolanda relief operations, na maglabas ng ebidensya kaugnay sa nasabing anomalya.
Hamon ni Communications Secretary Herminio Coloma, Jr., kay Benedictine Sister Edita Eslopor na magharap ng konkretong katunayan dahil hindi aniya tungkulin ng pamahalaan ang lumabag sa batas.
“Tungkulin po namin ang magpatupad ng batas, protektahan ang kapakanan ng mga mamamayan, kaya kung sino man ang nagpaparatang na ang ginagawa ng pamahalaan ay taliwas doon, tungkulin din nilang magpakita ng kongkretong pruweba at hindi makatwirang dungisan ang karangalan ng sino mang opisyal nang walang batayan,” ani Coloma.
Inakusahan ni Eslopor, convenor ng People Surge Alliance of Yolanda Victims, si Soliman ng pagbabayad ng P1,200 sa mga biktima ng bagyong Yolanda kapalit ng lagda sa isang testimonya na kontento siya sa ginagawa ng pamahalaan sa mga lugar na sinalanta ng kalamidad.
Mariing itinanggi ni Soliman ang akusasyon ngunit depensa sa kanya ni Presidential Spokesman Edwin Lacierda, maaaring “impostor” lang ng DSWD secretary ang gumagawa nito kaya hinamon ang People Surge na magbigay ng mga pangalan ng DSWD staff na sangkot dito.
ni ROSE NOVENARIO