TIMBOG ang isang Chinese national nang maaktohang nagrerekord ng kanyang pinanonood na pelikula sa isang sinehan sa Mall of Asia, Pasay city, nitong nakaraang Biyernes.
Sasampahan ng kasong paglabag sa Anti-Camcording Act ang suspek na kinilalang si Chen Shen Hua, 32, pansamantalang nanunuluyan sa Unit 6B LPL Center 130LP Leviste St., Salcedo Village, Makati City.
Inaresto ni PO3 Bienvenido Calvario, Jr., deputized agent ng Anti-Camcording Task Force si Chen habang inire-record sa hawak niyang mobile phone ang pelikulang “300 The Rise of an Empire” dakong 8:58 ng gabi.
Sa imbestigasyon ni PO3 Dennis Desalisa ng Station Investigation and Detective Management Section (SIDMS), nagmo-monitor si Calvario sa loob ng Imax Theater nang mapuna niya ang dayuhan nasa ika-limang linya ng upuan at inire-record sa pamamagitan ng kanyang mobile phone ang nasabing pelikula.
Batay sa pulisya, labag sa batas ang pagre-record ng pinapanood na pelikula sa ilalim ng Republic Act 10088 o Anti-Camcording Act of 2010.
Nakapiit sa detention cell ng Pasay City police si Chen at nakatakdang sampahan ng kaukulang kaso sa Pasay city Prosecutor’s Office.
(JAJA GARCIA)