LIMANG araw na ultimatum ang ibinigay ng Energy Regulatory Commission (ERC) sa Manila Electric Company (Meralco) para ipaliwanag ang ibinigay nilang billing statement nitong Pebrero.
Kinompirma ni Deputy Presidential Spokesman Abigail Valte, limang araw ang ibinibigay ng ERC sa Meralco para magpaliwanag.
Una nang binatikos ng mga consumer ang hakbang ng Meralco na nagdulot ng kalituhan.
Sinabi ni Valte, batay sa rekomendasyon ng Department of Trade and Industry (DTI), hindi dapat bayaran ng mga consumer ang panibagong billing statement ng Meralco.
Una nang iginiit ng Meralco na tanging ang “current charges” ang babayaran ng mga konsyumer, hindi ang “total amount due.”
Matatandaang, sinabi ni ERC Executive Director Francis Juan na aalamin nila kung may paglabag ang Meralco nang hindi iabiso sa kanila ang pagpapatupad ng bagong billing statement.
Maaaring pagmultahin ng hindi bababa sa P50,000 ang Meralco kung mapapatunayang may paglabag ang power utility.
HATAW News Team