nina CYNTHIA MARTIN/NIÑO ACLAN
SA pagdinig ng Senate Committee on Agriculture and Food, kinompirma ni Justice Secretary Leila de Lima ang posisyon ng National Bureau of Investigation (NBI) na iisa lang ang negosyanteng si Davidson Bangayan at si David Tan na isinasangkot sa rice smuggling.
Ipinaliwanag ni De Lima na ibinatay ng NBI ang pahayag sa parehong address nina Bangayan at Tan sa nakitang court records, partikular sa kaso sa Calamba at Caloocan.
Pinagbatayan din aniya ng NBI ang complaint affidavit ni Bangayan nang magsampa ng kasong libelo laban kay Federation of Philippine Industries president Jess Arranza.
Bukod dito, isiniwalat din ng kalihim sa Senado na may dalawa nang testigong lumutang na kapwa nagsabing iisa lang sina Bangayan at Tan at idinetalye pa ang modus ng negosyante.
Sa kabilang dako, iginiit naman ni Bangayan na hindi siya si David Tan.
Ayon kay Bangayan, wala siyang ginagamit na ibang pangalan o alyas at gamit ang apelyido ng kanyang ina dahil siya ay illegitimate child.
Wala rin aniya siyang maisip na dahilan para ikabit siya kay David Tan.
“Hindi po ako smuggler,” diin ni Bangayan.
Gayonman, kinompirma niya sa pagdinig na sumasali siya sa mga bidding ng rice importation at nakikipag-transaksyon sa mga grupo ng magsasaka o kooperatiba.
BOC GINISA SA SENADO SA RICE SMUGGLING
NAGISA nang husto ang Bureau of Custom (BOC) sa pagdinig ng Senate Committee on Agriculture sa kontrobersyal na rice smuggling sa bansa.
Ginisa ni Senador Juan Ponce Enrile ang kauupo pa lamang sa pwesto na si BoC Commissioner John Philip Sevilla nang hindi masagot ang mga katanungan ng senador kung ano ang nangyari sa nakompiskang smuggled rice mula India na lumabas sa nakaraang pagdinig ng Senado noong nakaraang Kongreso.
Una kasi naging sagot ni Sevilla na ibinigay sa mga biktima ng hagupit ni Yolanda sa Tacloban City ang naturang nakompiskang bigas.
Agad nag-init ang ulo dito ni Enrile dahil noong nakaraang Kongreso, sinabi ni dating BoC Commissioner Ruffy Biazon na kanilang i-o-auction ang naturang bigas.
Agad sumaklolo ang kanyang Deputy Commissioner na si Jessie Dellosa at inabot ang isang papel kay Commissioner Sevilla at mabilis na sinabing na na-auction na pala ang bigas noong Oktubre 12, 2013.