Grace-Chiz ‘di patitinag – Sen. Poe
Hataw News Team
April 11, 2016
News
MULING iginiit ng independent presidential candidate na si Sen. Grace Poe ang matagal nilang pinagsamahan at katapatan ng kanyang katambal sa yumaong si Fernando Poe, Jr., at sa pamilya Poe kasabay ng pahayag na ang kanyang “partnership” at pakikipagkaibigan sa katambal na Sen. Chiz Escudero ay nananatiling matatag sa gitna ng hirap at hamon ng kampanyang sumampa na sa huling yugto bago ang halalan sa susunod na buwan.
Sa kanyang talumpati sa harap ng mga kababayan ni Escudero sa Sorsogon, binigyang-diin ni Poe ang kanyang kasaysayan sa katambal na nagsilbing tagapagsalita ni FPJ noong tumakbo bilang pangulo noong 2004.
“Kung titingnan po ninyo ang lahat ng mga tumatakbo bilang pangulo at ang kanilang vice president, masasabi ninyo na kami ni Senator Chiz ang talagang mas magkakilala sa mas mahabang panahon,” ayon kay Poe.
“Kasama ko, kasama ng aming pamilya, si Senator Chiz sa hirap at ginhawa sapagkat siya ang naging spokesperson ni FPJ noon.”
Bumalik sa alaala ni Poe kung paano binigyan ng pagkilala ang kanyang yumaong ama sa galing ng pagkatao ni Escudero.
“Naalala ko noon, sinabi ng tatay ko, ‘alam mo magaling ‘yang batang ‘yan; magaling sumagot, matalino at mapagkakatiwalaan,” bunyag ni Poe.
Ito umano ang dahilan ayon kay Poe kung bakit hindi niya ikinagulat ang katapatan ni Escudero kay FPJ at sa kanyang pamilya, kahit na noong sila ay nasa sentro ng pagkainis at panggigipit ng administrasyon ni GMA.
“Kaya nga po, kahit na inipit ng administrasyon noong nakaraan ang aming pamilya at pati na rin si Senator Chiz, hindi siya natinag, hindi siya bumaligtad, siya ay nanatiling tunay na kaibigan,” dagdag ni Poe.
Aniya, ito ang dahilan kung bakit kinaluluguran ng marami, hindi lamang ng kanyang pamilya, si Escudero sa gitna ng mga “walang basehang batikos” ng mga kritiko ng katambal.
“Nakita naman natin ang kanyang trabaho sa Senado, at bago noon, sa Kongreso. Kaya para sa akin, talagang bilib ako, hindi lamang kay Senator Chiz kundi (sa) maraming mga Bicolano.”