Mula OTB hanggang sa mga social network (Facebook) ay naglabas ng galit ang Bayang Karerista (BKs) tungkol sa nagawang pagdadala ng dalawang apprentice jockeys na sina Oniel Cortez at Mark Gonzales nitong nakaraang Martes sa pagkatalo ng kani-kanilang sakay na sina Kuya Yani at New Empire ayon sa pagkakasunod.
Ang nangyari kay Kuya Yani, pagsungaw ng rektahan ay nakitang todo ayuda at palo sa ibabaw si Cortez upang maunahan ang kalabang si Boss Pogi, At nung medyo nakalamang na si Kuya Yani ng may dalawang kabayong layo papasok sa huling 100 metro ay pumirmis na lamang ang naturang hinete sa akalang panalo na sila. Subalit sa walang humpay na ayuda rin ng mas beteranong hinete na si Hermie Dilema ay muling nakalapit at nalagpasan nilang muli si Kuya Yani pagdating sa meta.
Ang kay Mark Gonzales naman ay tila hindi pinatakbo ng totoo si New Empire dahil biglaang inentrega ang harapan sa kalaban na si Tisay ni Oyet Alcasid Jr., na siyang professor o instructor ng mga bagitong mananakay sa Jockey’s Academy sa SLLP. Kaya nung maramdaman ng klasmeyts natin ang kanilang napapanood ay inayudahan at sinuportahan na lamang nila ang iba pang kalaban na rumeremate na sina Crotales at Sta. Monica One. Kaya nung matapos ang takbuhan ay sumigaw ang ilan sa OTB na pare-pareho na lamang silang natalo, kesa naman sa matalo na nagawan ng kalokohan at pandaraya na ang biktima ay mga mananaya.
REKTA – Fred Magno