Magaan na nagwagi ang kabayong si Low Profile na sinakyan ng kanyang regular rider na si Mark Angelo Alvarez sa naganap na unang malaking pakarera na 2016 PHILRACOM “Comissioner’s Cup” Race.
Sa largahan ay magaan na nakuha nila ang harapan at bahagyang nakalayo ng may apat na kabayong layo sa mga nakalaban. Paglagpas ng medya milya ay biglaang nakadikit ang kanyang kalaban na si Kanlaon na sinakyan ni Val Dilema, subalit pagsungaw sa huling kurbadahan ay sinimulan ng hingan ni Mark ang kanyang dala at agaran namang nagresponde si Low Profile.
Sa huling 200 metro ay lumayong muli si Low Profile hanggang sa makatawid sa meta. Pumangalawa si Kanlaon, tersero si Biseng Bise, kuwarto si Manalig Ka at pumanglima lamang si Love Na Love.
Ang kasunod na malaking pakarera ay ang 2016 PHILRACOM “4YO & Above Stakes Race” na lalargahan lamang sa distansiyang 1,300 meters at idaraos sa katapusan ng buwan ng Enero sa pista ng Sta. Ana Park. Ang mga naunang nagpalista o nominado ay ang mga kabayong sina Cat’s Dream, Epic, Hot And Spicy, Icon, Mabsoy, Manalig Ka, Marinx, Messi, Milky Way, Penrith at Tap Dance.
REKTA – Fred Magno