10-M deboto dadagsa sa traslacion ng Black Nazarene
Hataw News Team
January 5, 2016
News
TINATAYANG aabot sa 10 milyong deboto ang dadagsa sa traslacion ng Black Nazarene sa Enero 9.
Inaasahang darami kung hindi man dodoble ang bilang ng mga deboto dahil natapat sa weekend ang prusisyon.
Dahil dito, ayon kay MPD Operations and Plans Division chief Lucile Faycho, bumuo na ang National Capital Region Police Office (NCRPO) ng Task Force Nazareno na pangungunahan ni NCRPO Regional Director, Chief Supt. Joel Pagdilao.
Aniya, tutulungan ng Armed Forces of the Philippines (AFP), local government ng Maynila, Department of Health (DoH), Philippine Red Cross (PRC), Bureau of Fire Protection (BFP) at Philippine Coast Guard (PCG) ang PNP para sa seguridad ng mga deboto ng Black Nazarene na sasama sa traslacion.
Nagpaabiso na rin ang PNP sa mga motorista na isasara sa Sabado para sa traslacion ang dalawang lanes ng Roxas Boulevard, Quezon Boulevard, at ang mga tulay ng Quezon (patungong Quiapo), MacArthur (patunging Sta. Cruz) at Jones (patungong Binondo).
Samantala, hiniling ni Faycho ang kooperasyon ng publiko na huwag nang magsama ng mga bata at matatanda sa prusisyon para maiwasan ang ano mang disgrasya.
Plaza Miranda nilinis na para sa traslacion ng Nazareno
SINIMULAN nang linisin ang Plaza Miranda nitong Lunes.
Ito ay bilang paghahanda sa traslacion ng Nazareno sa Enero 9.
Pinangunahan ng Plaza Miranda Police Community Precinct (PCP) at ng mga tauhan ng Department of Public Safety ng Manila City Hall ang paglilinis ng plaza.
Binomba ng tubig ng mga bombero ang plaza. Sinabon at nilagyan din ito ng disinfectant upang maglaho ang umaalingasaw na amoy.
Samantala, umapela si PCP commander John Guiagi sa mga nagtitinda na tulungan silang mapanatili ang kaayusan at kalinisan sa lugar.