Nagnakaw ng spray gun kulong ng 1 month umabot pa sa Judge
Joey Venancio
December 11, 2015
Opinion
SA pagdalo ko kahapon sa hearing ng Libel case ko sa Las Piñas City, naantig ang damdamin ko sa isang lalaking binasahan ng sakdal.
Ang kaso niya ay inakusahan siya ng pagnanakaw lamang ng “spray gun” na nagkakahalaga raw ng P25,000. (Sa totoo lang, wala pang P20K ang halaga nito).
Nakaposas pa ang lalaki, nasa edad 30s, nang iharap kay RTC Judge Erlinda Nicolas-Alvaro ng Branch 198.
Nag-plead ng “not guilty” ang lalaki.
Tinanong ng Judge ang lalaki tungkol sa kanyang kaso. Napag-alaman na halos isang buwan na palang nakakulong sa Las Piñas City Police Station.
Para sa akin, masyadong napagkaitan ng hustisya ang suspek.
Mantakin ninyo, simpleng kaso, napakaliit na halaga ng ibinibintang sa kanya na kanya raw ninakaw, ikinulong siya ng halos isang buwan! Asan ang hustisya rito?
Kung tutuusin, ang ganito kaliit na kaso ay dapat nilutas sa barangay lamang. Dapat ay ibinalik ito ng Piskal sa Barangay at hindi iniakyat sa Judge! Tama ba ako, Atty. Toto Causing?
Hindi ako abogado. Pero sa damdamin ko ay ubod ng gago at estupido ang Piskal na nag-akyat sa kaso nito!
Dapat nga ay pinagpiyansa n’ya ‘yung suspek para hindi na nakulong nang halos isang buwan!
Tingnan n’yo ito… matapos basahan ng sakdal ‘yung lalaki ay ibinalik uli ito sa kulungan! Hanggang kailan siya makukulong?
Sa halagang P25K (na hindi naman talaga ganon ang halaga ng brand new spray gun) ay ikukulong ka ng ilang buwan? Asan ang hustisya?
Dapat ibasura na lang ng Judge ang kaso nito!
Paging Commission on Human Rights (CHR) or Public Attorney’s Office (PAO), puwede ba tulungan ninyo ang taong ito. Maaari ninyong tingnan ang kaso sa RTC Branch 198 ng Las Piñas City.
Dahil sa tingin ko ay walang-wala ang suspek. Narinig ko kasi nang tanungin siya ng Judge na isa lamang siyang helper at ang tatay niya ay driver ng basura ng truck. Tsk tsk tsk…
Ang dapat ikulong ay mga magnanakaw ng milyones sa kaban ng bayan!
Daming tulak sa Kitanlad, Brgy. Tatalon
– Sir Joey, sana mag-raid ang mga PDEA o NBI dito sa Kitanlad, Brgy. Tatalon. Daming tulak at adik dito lalo na sa gabi. Ang mga tulak naghihintay lang kung sinong bibili. Para ngang palengke ng shabu dito. Secret my number, pls. – Concerned citizen
Nawala ang sidewalk sa A. Mabini, J. Rizal, Mandaluyong City
– Ipapaalam ko lang po sa mayor ng Mandaluyong City: Bakit walang sidewalk dito sa kahabaan ng bandang A. Mabini – J. Rizal, Mandaluyong City. Marami na muntik mahagip dito ng mga sasakyan. Hihintayin pa ba natin na may mamatay dito? – 09083518.
REAKSYON at REKLAMO… Sumulat sa POLICE Files!: JGV Publishing House, Inc., Leyland Bldg., Delgado St., cor 20th St., Port Area Manila Phil. Telefax 521-7015