Nakapuntos ng panalo ang kabayong si Low Profile na sinakyan ni Mark Angelo Alvarez laban sa kampeong si Hagdang Bato na nirendahan naman ni Unoh Hernandez sa naganap na 2015 PCSO Anniversary Race nitong nagdaang weekend sa pista ng Sta. Ana Park.
Sa aktuwal na laban ay makailang beses na nagtangkang pumantay sina Unoh sa nauunang si Low Profile, subalit sadyang napakalupit sa harapan ng dala ni Mark dahil kaunting galaw lamang nito ay mayroong nailalabas na lakas.
Hanggang sa huling 200 metro ng laban, nang binibuhan na ni Mark si Low Profile ay lumayo pa sila ng may apat na kabayong agwat laban kay Hagdang Bato.
Naorasan ang nasabing pakarera ng 1:39.0 (25’-23’-23’-26’) para sa 1,600 meters na distansiya.
Sa pinakatampok na pakarera na “PHILTOBO Juvenile Championship” ay naka-upset muli ang tersero paboritong si Subterranean River ni Pao Guce. Sa alisan ay hinayaan muna ni Pao na mauna ang mga kalabang may angking tulin sa arangkadahan dahil sa medyo mahaba pa naman. Pagpasok sa medya milya ay sinimulan nang galawan ni Pao at agaran naman nagresponde si Subterranean River, kaya pagdating sa tres oktabos ay nasa segunda puwesto na sila. Pagsungaw sa huling kurbadahan ay umiktad pa si Dewey Boulevard ni Unoh Hernandez sa harapan, subalit sa tindi ng pagremate at halos bitbitin na ni Pao ang sakay niya ay nagawa nilang lumagpas pagsapit sa meta.
Tumapos ang laban na iyon ng 1:43.8 (25’-24-25-29) sa distansiyang 1,600 meters. Sa pagkakatong ito ay nais kong batiin ng congrats at pasalamatan (2K) si Ginoong Wilbert Tan, at ang tanging panalangin ko lamang ay mabiyaan pa ng lubos ang kanyang kuwadra kasama ang mga alaga niyang mananakbo.
REKTA – Fred Magno