NPA itinuro sa kidnapping ng 3 turista, Pinay sa Samal Is.
Rose Novenario
September 23, 2015
News
DAVAO CITY – Inaalam ng mga awtoridad kung kagagawan ng New People’s Army (NPA) ang pagdukot sa tatlong dayuhan at isang Filipina dakong 11:30 p.m. sa Yatch Club sa Holiday Ocean View Park sa Camudmud, Island Garden City of Samal.
Ito’y makaraang maka-recover ng sulat kahapon dakong 4 a.m. ang security guard na si Alfie Monoy sa bahagi ng gate, may 500 metro ang layo mula sa pantalan.
Sa nasabing liham nakita ang mga salitang “Katarungan ng aming commander by NPA.”
Naka-civilian ang umaabot sa 11 kalalakihan na sumalakay sa Yatch Club sa Holiday Ocean View Park.
Sila ay may bitbit na mga backpack at bandolier at dalawang long firearms.
Sakay ang mga suspek sa dalawang motorized banca sa pagpasok at pagtakas mula sa resort.
Una nang kinilala ang mga biktimang dayuhan na sina Kjartan Sekkinstad, 56, isang Norwegian national at operations manager ng Yatch Club; John Ridsdel, 68, Canadian national; isang nagngangalang Robert, 50; Canadian national, at ang kanyang Filipina live-in partner na 30-anyos na si Sief.
Sinasabing unang pinasok ng mga suspek ang yate na kinalalagyan nina Steven at Kazuka Tripp ngunit nanlaban ang dalawa hanggang sa tumalon sa dagat.
Patuloy sila ngayong ginagamot sa Samal District Hospital.
Kidnapping mino-monitor ni PNoy
MINO-MONITOR ni Pangulong Benigno Aquino III ang kaso ng kidnapping sa tatlong dayuhang turista at isang Filipina sa Ocean view Samal resort sa Davao del Norte. Sinabi ni Communications Secretary Herminio Coloma Jr., sinusubaybayan ng Pangulo ang operasyon ng PNP, AFP at iba pang ahensya ng gobyerno para mailigtas ang mga biktima.
Ayon kay Coloma, hindi na sila kailangang utusan ng Pangulong Aquino para magsagawa ng manhunt operations dahil awtomatiko na ang pagkilos ng mga awtoridad sa ganitong pangyayari.