IPINAGMALAKI ni Pangulong Benigno Aquino III na mapapabilis na ang paghahatid ng ayuda sa mga biktima ng kalamidad sa limang bagong barko ng Philippine Navy.
Sa kanyang talumpati sa change of command ceremony sa Navy headquarters kahapon, inianunsiyo ng Pangulo na nasa pag-iingat na ng PN ang dalawang Landing Craft heavy mula sa Australia.
Tatlo pa aniya ang target na makuha ng PN na inaasikaso na ang mga dokumento para sumulong ang proseso.
“At ang mga bagong barkong ito, magiging katuwang ng ating mga landing craft utilities, kasama ang BRP Tagbanua. Sila ang titiyak na kapag panahon ng sakuna, mas mabilis na ang paghahatid natin ng ayuda, kabilang na ang naglalakihang equipment, sa iba’t ibang panig ng bansa,” aniya.
Pinuri at nagpasalamat si Pangulong Aquino sa buong puwersa ng PN sa aniya’y huling dadaluhan niyang turn-over ceremony sa Hukbong Dagat ng Filipinas .
“Saludo ako sa ipinapakita ninyong wagas na serbisyo para sa bandila at sa sambayanang Filipino,” dagdag niya.
(ROSE NOVENARIO)