Sunday , December 22 2024

‘Anomalya’ sa INC inilantad ng utol ni Ka Eddie (Sa nalalapit na 101 anibersaryo)

0725 FRONTMISMONG kapatid ng kasalukuyang punong ministro ng Iglesia ni Cristo (INC) na si Eduardo Manalo ang nagsiwalat ng katiwalian sa kapatiran. 

Giit ni Felix Nathaniel “Angel” Manalo, anak ng yumaong INC executive minister Eraño Manalo, umusbong ang mga anomalya simula nang maupo ang kanyang kapatid bilang punong ministro ng simbahan noong 2009. 

“Binabago nila ang aral e. Sa panahon po ng pamamahala ng kapatid na Felix Y. Manalo, hanggang sa panahon ng kapatid na Eraño Manalo, wala tayong nakikitang anomalya,” hayag ni Angel sa mga mamamahayag na nagtipon sa labas ng kanilang tahanan sa Tandang Sora, Quezon City nitong Biyenes ng madaling-araw. 

Giit niya, “Bakit po sa panahon ngayon, mas napakarami na ng anomalya. Baka po sabihin ng iba, kinakalaban po namin ang aming kapatid na namamahala ngayon. Hindi po. Mahal po namin ang aming kapatid kaya lang po ang nagiging problema po namin ngayon ang mga nasa paligid niya. Nasira na po ang doktrina ng Iglesia ni Cristo.”

Idiniin din ni Angel na pinagbabantaan sila ng Sanggunian ng INC. 

Apela niya sa kapatid na si Eduardo, “Ang amin lang pakiusap, huwag siyang maniniwala sa Sanggunian na kanyang pinagkakatiwalaan sapagkat nauubos na ang abuloy ng Iglesia sa kung ano-anong proyekto na hindi naman kailangan.”

Partikular aniya niyang ipinagtataka ang konstruksyon ng Philippine Arena na hindi naman alinsunod sa layon ng pagpapagawa ng mga kapilya. 

Hinikayat din ni Ka Angel ang mga kapatiran na lumantad at patunayan na mayroong nangyayaring iregularidad sa Iglesia.

Habang pinabulaanan ni Angel na mayroong naganap na pangho-hostage kanilang tahanan makaraan makita sa bintana ang mga mensaheng ukol dito. 

Aniya, mayroon lamang batang nagsabit ng mga mensahe kaugnay ng sinasabing pag-hostage sa kanila maging ang pagkuwestiyon sa nawawalang mga ministro ng Iglesia.

Una na rin inihayag ng Quezon City Police District na walang naganap na pagdukot at hostage taking sa tahanan ng pamilya Manalo.

Inamin ni Angel na hindi niya alam kung saan sila pupunta ng inang si Tenny Manalo makaraan itiwalag ng INC dahil sa video na inilabas nila ukol sa sinasabing banta sa kanilang buhay at pagdukot sa ilang ministro.

Sa kabilang dako, pinabulaanan ng tagapagsalita ng Iglesia ni Cristo (INC) na si Edwil Zabala ang mga akusayon ni Angel.

Palasyo dumistansiya sa INC controversy

DUMISTANSIYA ang Palasyo sa girian ng mga miyembro ng pamilya Manalo sa liderato ng Iglesia ni Cristo (INC).

Sinabi ni Communications Secretary Herminio Coloma Jr., lumalabas sa mga ulat na ang nagaganap sa INC ay internal na alitan sa organisasyon.

Gayonman aniya ay nakatutok pa rin ang Quezon City Police District (QCPD) at Anti-Kidnapping Group ng Philippine National Police upang tiyakin ang kaligtasan ng lahat ng sangkot sa usapin at mapanatili ang peace and order.

“Reports about events that have transpired involving INC officials indicate an apparent internal organizational dispute. Be that as it may, the PNP’s Quezon City police district office and Anti-Kidnapping Group have been deployed to assess the situation to ensure the safety of all concerned and that peace and order is maintained,” ani Coloma.

Ibinulgar ni Nathaniel “Angel” Manalo at ng iba pang dating ministro na tadtad ng katiwalian ang naturang religious sect sa ilalim ng liderato ni Eduardo Manalo.

Kabilang sa mga kinuwestiyong proyekto ng INC ang itinayong Philippine Arena sa Bulacan.

Si Angel at inang si Tenny ay itiniwalag ni Eduardo sa INC makaraan kumalat ang video message nila sa YouTube na humihingi ng saklolo sa kanilang mga kapatid sa INC dahil nasa panganib ang kanilang buhay at sinasabing marami nang ministro ang dinukot at hindi pa matagpuan.

Matatandaan inendoso ng INC bilang kanilang presidential bet noong 2010 elections si Pangulong Benigno Aquino III.

Noong Oktubre 2014, inutusan ng Palasyo ang Bureau of Immigration na ipatigil ang deportation sa Korean fugitive na si Ja Hoon Ku dahil isa siya sa mga contractor ng Philippine Arena at inilagay na lamang siya sa kustodiya ng INC.

Rose Novenario

‘Kidnapping’ sa INC iniimbestigahan

INIHAYAG ni Justice Secretary Leila De Lima, iniutos na niya sa National Bureau of Investigation (NBI) ang pagsilip sa sinasabing pagdukot sa ilang kaanib ng Iglesia ni Cristo (INC).

Ito’y kaugnay ng inilabas na video ni Angel Manalo, kapatid ng kasalukuyang punong ministro ng INC na si Eduardo Manalo, ukol sa banta sa kanilang buhay. Sa naturang clip, inilahad din ng ina nilang si Tenny Manalo na ilang ministro ng kapatiran ang dinukot. 

Dagdag pa rito ang pagsisiwalat ng ministro ng INC at dating editor-in-chief ng “Pasugo” na si Isaias Samson na dinukot siya at ikinulong ng mga armadong lalaki.

Sinabi ni De Lima, bagama’t hindi pa niya personal na napapanood ang inilabas na video ng mag-inang Manalo ay iniatas niya agad sa NBI na beripikahin ang kanilang mga alegasyon. 

Dugtong ng kalihim, “’Yung mga ibang bagay na nakikita natin, nababalitaan natin, ‘yung mga lumalabas sa YouTube, sa balita and ‘yung nakita rin po natin, I saw some portion of the presscon of Mr. Samson —hindi po natin ito pwedeng balewalian.

Kombinsido rin si De Lima na hindi maaaring mapigil ang kanilang imbestigasyon ukol dito kahit pa walang kautusan mula sa korte.

Ngunit kasabay nito, nilinaw niya, sa ngayon ay hindi pa maaaring busisiin ng pamahalaan ang paratang ng katiwalian sa INC.

Anya, hindi nila maaaring himayin ang akusasyon ni Angel Mercado na hindi nagagamit nang maayos ang mga abuloy ng INC, hanggang walang kaanib ng kapatiran na naghahain ng reklamo ukol dito. 

“Kung mayroon na po sa loob ng Iglesia, kukuwestyonin ‘yung mga katiwalian na ‘yan, then pwede pong pumasok ang estado d’yan kung saan po nila pwedeng isampa ‘yan. But basically, private funds po ‘yan ng Iglesia. Mahirap magsalita ngayon,” sabi ng DOJ Secretary. 

Banggit ni De Lima, hindi pwedeng basta pakialaman ng gobyerno ang mga pribadong pondo. 

NLEX, Bulacan PNP naghahanda na sa 101 INC anniv

NAGHAHANDA na ang North Luzon Expressway (NLEx) para sa pagdagsa ng mga motorista sa ika-101 anibersaryo ng Iglesia ni Cristo (INC) na ipagdiriwang sa Ciudad de Victoria (CDV) sa Bulacan bukas, araw ng Linggo.

Ayon kay NLEx spokesperson Robin Ignacio, nakipag-ugnayan na sila sa INC at napag-alamang Sabado pa lang ay may aktibidad na at inaasahan ang pagdagsa ng 120,000 kapatiran.

Inaasahang mananatili hanggang Lunes ng madaling araw ang mga dadalo sa selebrasyon kaya magdudulot ito nang mabigat na daloy ng mga sasakyan.

Sinabi ni Ignacio, magdaragdag sila ng mga personnel para tulungan ang mga dadalo sa CDV gayondin magkakaroon ng mga conterflow lane sakaling magkaroon nang matinding pagsisikip sa mga kalsada.

Aniya, siguradong makaaapekto sa daloy ng mga sasakyan sa NLEx ang pagdagsa ng mga miyembro ng INC dahil ang tinatayang papasok sa CDV ay hindi kukulangin sa 10,000 sasak-yan.

Matataon ang pag-uwi ng mga dadalo sa anibersaryo ng INC sa idaraos na huling State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III sa Lunes.

Nakikipag-ugnayan na rin sila sa Bulacan PNP at PNP Region III para sa pagsasaayos ng trapiko.

Micka Bautista

About hataw tabloid

Check Also

dead gun

Kapapasa lang sa board exam
GURO PATAY SA PAMAMARIL

IMBES pagdiriwang, napalitan ng pagluluksa ang saya ng isang pamilya nang mapaslang ang kanilang kaanak …

Senate CHED

Ekspansiyon ng SUCs suportado ng Senado

SUPORTADO ni Senador Alan Peter Cayetano ang mga panukalang batas na magpapalawak sa ilang state …

Sim Cards

Shortcut sa SIM card registration imposible — CICC

BINIGYANG-DIIN ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) na walang paraan para mapabilis ang SIM …

Motorcycle Hand

Panawagan kay BBM
Motorcycle taxis ‘wag nang dagdagan — NACTODAP

NANAWAGAN ng suspensiyon ang iba’t ibang grupo ng tricycle operators and drivers associations (TODAs) laban …

Dead body, feet

Umakyat para magkabit ng ‘jumper’
LALAKI NAHULOG MULA SA POSTE NG KORYENTE, NANGISAY, PATAY

PATAY na bumagsak ang isang lalaking pinaniniwalaang umakyat sa poste ng koryente upang ilegal na …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *