PATULOY na ginigiba ng kasalukuyang presyohan ng bigas ang mga naitalang paggalaw sa presyo at patuloy ang pagbaba nito sa gitna ng tagtuyot at mababang ani sa bansa.
Ito ay ayon kay National Food Authority (NFA) Administrator Renan Dalisay sa isang panayam ngayong Miyerkoles kasabay ng pahayag na ang presyo ng bigas ay nasa pinakamababa ngayong taon, kahit pa nasa tagtuyot at pagnipis ng ani nito sa bansa mula Hulyo hanggang Setyembre taon-taon.
“Mula 2012 hanggang 2014, tumataas ang presyo ng bigas sa simula ng taon hanggang Hunyo o Hulyo – pero ngayong taon, malugod naming iniuulat sa bayan na nagawa nating baligtarin ang paggalaw na ito sa presyo.”
Noong 2012, ang karaniwang presyong tingi ng regular milled rice ay P31.7 kada kilo sa buwan ng Enero at aakyat ito sa P32.3 kada kilo pagdating ng Hulyo.
Noong Hulyo ng 2013, ang karaniwang presyong tingi nito ay biglang umangat sa P33.4 kada kilo mula sa presyong P32 kada kilo noong Enero ng nasabing taon.
Noong nakaraang taon, ang karaniwang bentahan nito sa mga pamilihan ay nasa P36.49 kada kilo sa buwan ng Enero at pumaimbabaw sa P40.3 kada kilo noong Hulyo 2014.
Ngayong taon, ayon kay Dalisay, ang bentahan ng regular milled rice ay bumaba mula P38.9 noong Enero sa P37.3 kada kilo sa kalagitnaan ng kasalukuyang buwan. Ang inflation sa bigas ay nasa pinakamababang antas din nito sa 2 percent – malayo sa naitalang 14 percent noong Agosto ng nakaraang taon.
“Lahat ito ay nakabatay sa sapat na suplay dahil kung sapat ang imbentaryo sa mga pamilihan at sapat ang ating nakaimbak, napapanatiling matatag ang presyo nito.”
Iginiit ni Dalisay, patuloy ang pagmamatyag ng NFA sa mga pamilihan upang tiyaking makatutugon ang ahensiya sa paggalaw ng presyo.
“Patuloy kaming gagabayan ng mga datos at ng mga payo mula sa ating Food Security Committee na nagbibigay sa amin ng direksyon at mga patakaran gaya na lamang ng mga usapin hinggil sa pag-aangkat ng bigas.”
Itinuturo ng National Economic and Development Authority (NEDA) sa sapat na suplay at imbentaryo ng bigas at sa matatag na preyo ng langis at panggatong sa bansa bilang dahilan kung bakit ang inflation rate ay nasa pinakamababang antas nito sa loob ng dalawang dekada.
Sa kabila nito, nagbabala rin ang NEDA hinggil sa pangangailangang paghandaan ang malubhang epekto ng El Niño phenomenon sa bansa.
Ayon kay NEDA Officer in Charge (OIC) at Deputy Director-General Emmanuel F. Esguerra, “Kailangang ipagpatuloy ang pagmamatyag sa epekto ng tagtuyot sa mga agricultural areas upang siguruhing ang angkop na polisiya ay agarang makatutugon sa pangangailangang ito.”
“Ang maagap na pag-angkat ng bigas upang dagdagan ang suplay ng lokal na suplay ay dapat na palagiang nakahandang tugon upang maiwasang maulit ang mataas na presyo ng bigas noong ikatlong bahagi ng 2013 hanggang taong 2014 dahil ang mga pangyayaring kagaya nito ay may malubhang epekto sa kapakanan ng ating mga kababayan,” dagdag ni Esguerra. (HNT)