Roxas: Sour graping na naman si Binay!
hataw tabloid
July 16, 2015
News
”WALANG katotohanan!”
Ito ang mariing pagtanggi ni DILG Secretary Mar Roxas sa tila “sour graping” ng kampo ni Vice President Jojo Binay tungkol sa pagbibigay umano ng budget para sa pabahay ng informal settlers sa Department of Interior and Local Government.
Sinabi ito ng Kalihim nang tanungin siya ng mga reporter habang siya ay nasa Cebu kamaka-ilan para sa paggawad ng ‘Seal of Good Local Governance’ sa 8 bayan dito.
Matatandaang noong 2011 pa inilunsad ng pamahalaang Aquino ang programang ilikas sa mga mapanganib na lugar ang mga informal settler families upang maiiwas sila sa sakuna tuwing panahon ng bagyo.
Ipinaubaya ni Pangulong Aquino ang programang ito kay yumaong kalihim ng DILG Jesse Robredo at ipinagpatuloy naman ni Roxas.
”Palagay ko’y tingnan na lang po muna nila ang katotohanan dahil ang katotohanan dito ay napunta ‘yan sa NHA, ‘yan ang gumamit na pondo. Bahagi rin ng pera na ‘yan ay napunta sa DSWD na siya rin nagbi-gay ng mga panggastos sa mga taong inililikas,” sabi ni Roxas.
“Ito ‘yung pabuya sa mga kusang loob na lumilisan sa mga delikadong lugar. Inililikas sila sa danger zones patungo sa mas ligtas na na lugar para sa kanilang pamilya.”
Nang tanungin kung saan nagmumula ang mga ganitong akusasyon ng kampo ni Binay, sinabi ni Roxas na malamang bahagi na ito ng umiinit na sitwasyon sa nalalapit na eleksyon sa 2016.
“Ang mga isyu na ito, palagay ko ay bahagi ng init ng papalapit na kampanya pero wala naman talagang katotohanan,” ayon kay Roxas.
“Bahagi ito ng patuloy na pagbanat ni VP Binay sa administrasyong Aquino mula nang mag-resign sa Gabinete dahil sa pagtanggi ni PNoy na endorsohin ang kanyang kandidatura sa pagkapangulo sa 2016.”