Hari ng Anito patay sa chopper crashed
hataw tabloid
July 6, 2015
News
PATAY ang anak ng isang Chinese-Filipino billionaire, na yumaman sa pagtatatag ng chain ng hotels at motels sa bansa, sa pagbagsak ng kanyang private chopper sa kagubatan malapit sa Mt. Maculot, sa bayan ng Cuenca, lalawigan ng Batangas, habang patungo sa Manila nitong Linggo.
Si Archimedes “Archie” Rosario King, may-ari ng Victoria Court chain of motels and hotels, ay binawian ng buhay makaraan bumagsak ang helicopter sa nasabing bundok dakong hapon, ayon sa ulat ni Philippine Red Cross (PRC) Chairman Richard Gordon.
Ayon sa PRC responders, sinabi ni Gordon, ang piloto ng chopper na si Jun Taborlupa ay namatay rin sa nasabing aksidente.
Samantala, anim iba pa ang nasugatan, ayon kay Gordon, na inilipat sa St. Luke’s Medical Center sa Fort Bonifacio sa Ta-guig City.
Sinabi ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP), ang helicopter ay isang Augusta 109E helicopter na may registry number RP-C2726. Ino-operate ng Malate Tourist Dev’t Corp.
Sa ulat ng CAAP, nagtungo ang helicopter sa Puerto Galera at umalis sa Maynila nitong Linggo ng umaga.
Inihayag ni Senior Inspector Joel Laraya, Cuenca town police chief, hinihinala nilang bumagsak ang helicopter dahil sa masamang panahon dulot ng bagyong Egay. Inaalam pa ng mga pulis kung ang helicopter ay nabigyan ng clearance sa paglipad, aniya.
Si King ay tagapagmana ng bilyonaryong si Angelo King, na yumaman ang pamilya dahil sa pagtatatag ng Anito Lodge motel chain.
Unang itinayo ng ama ang Anito Lodge sa Pasay City noong 1970s at pagkaraan ay pinalawak ang kanyang negosyo. Kalaunan ay ipinasa ang kanyang family business sa kanyang mga anak na sina Archie at Wyden.
Si Archimedes King ang nagtatag ng Victoria Court, chain ng high-end motels sa Metro Manila. Ito ay mayroon nang sampung sangay.
Habang ang kanyang kapatid na si Wyden ang nanguna sa pagpapalawak ng Kabayan Hotels.