APAT na rookies na ang nakatikim ng kampeonato sa kanilang kauna-unahang season sa Philippine Basketball Association.
Noong nakaraang Philippine Cup ay naging bahagi ng tagumpay ng San Miguel Beer ang mga baguhang sina Ronald Pascual at David Semerad.
At sa katatapos na Commissioner’s Cup, sina Matthew Ganuelas Rosser at Kevin Louie Alas naman ang mga baguhang nakatulong sa tagumpay ng Talk N Text.
Puwedeng sabihing ang apat na ito ay magiging contenders para sa Rookie of the Year award at siyang makakalaban ng top pick na si Stanley Pringle ng Globalport.
Sa totoo lang, hindi naman masasabing porke’t top pick ka ng draft ay ikaw na nga ang magiging Rookie of the Year. Depende rin kasi iyan sa impact mo sa iyong koponan at sa liga. Kasama na rin siyempre ang mga statistics mo. E, hindi naman eye-popping ang mga numero ni Pringle dahil sa medyo inaalalayan niya ang kanyang kakamping si Terrence Romeo na siyang main man ng Batang Pier. Marahil, kung pinipilit ni Pringle na dominahin ang laro ay milya-milya na ang agwat niya sa mga baguhang kasabay niya.
Pero kung titignan ang mga numero aba’y kaunti lang ang abante niya.
At siyempre, malaki ang bentahe ng mga rookies na naging bahagi ng kampeonato. Lalo’t nakapag-ambag sila sa panalo ng kanilang team.
Kung titignan ang apat na rookies na nagwagi nga ng championships, masasabing sina Ganuelas at Alas ang siyang talagang nakatulong sa kanilang team.
Ang problema kay Ganuelas ay na-thrown out siya sa Game Five ng nakaraang Finals at baka maging negative factor iyon para sa kanya.
So, sa kanilang dalawa, si Alas ang siyang may bentahe. Si Alas ang siyang puwedeng lumaban kay Pringle para sa ROY award.
At okay naman ito dahil No. 2 pick si Alas, hindi ba?
ni Sabrina Pascua